7,290 total views
Maglulunsad ng bagong extended play (EP) ang Jesuit Music Ministry (JMM) ng Jesuit Communications (JesCom) bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay JMM Director Lester Mendiola, tampok sa EP na pinamagatang Pag-aalaala ang mga awiting sumasalamin sa pananampalataya, kalayaan, at patuloy na panawagan sa nation-building.
“The hymn is reimagined for 2026 at a time when the nation once again seeks moral clarity, unity, and hope grounded in faith,” pahayag ni Mendiola.
Ipinaliwanag niya na layunin ng proyekto na balikan ang diwa ng EDSA noong 1986, ang mapayapang pagkilos na nagpatalsik sa diktadurya matapos ang halos dalawang dekada ng batas militar sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Pag-aalaala revisits the spirit of EDSA through prayerful song—remembering how faith sustained a people through struggle, and how that same faith continues to challenge Filipinos to discern the meaning of freedom today,” dagdag ni Mendiola.
Ang orihinal na awiting Pag-aalaala ay nilikha ng Heswitang kompositor na si Fr. Manoling Francisco, SJ bilang pagpupugay sa mapayapang tapang ng mga Pilipino noong 1986.
Kabilang sa mga awitin sa EP ang Bagong Kinabukasan ni Noel Cabangon; Kalye ni Toto Sorioso kasama ang Bukas Palad Music Ministry at Hangad; Pilipinas, Aking Inang Bayan ng Bukas Palad; at Ahon Na nina Noel at Gab Cabangon. Ang bagong bersyon ng Pag-aalaala ay itatampok ng mahigit 100 mang-aawit.
Mapakikinggan ang EP sa digital streaming platforms simula February 23, dalawang araw bago ang anibersaryo ng EDSA sa Pebrero 25.
Aawitin din ang mga seleksyon nito sa iba’t ibang pagtitipon, kabilang ang “Tayo ang People Power” sa People Power Monument.
“Through Pag-aalaala, JesCom and JMM reaffirm their mission of media evangelization and education—using music as a pathway for remembrance, discernment, and renewed commitment to faith and nation,” giit ni Mendiola.




