114,379 total views
Mga Kapanalig, susunod kaya sa The Hague ang mga pinakamasunuring tauhan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte?
Pinangalanan ng International Criminal Court (o ICC) ang walong kasalukuyan at dating opisyal ng pamahalaan bilang mga umano’y co-perpetrators o kasabwat sa mga pagpatay na naganap sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte. Kabilang dito sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go. Ayon sa ICC, si Duterte at ang mga tinukoy na kasabwat ay bahagi ng iisang malawakang plano para iligpit ang mga pinaghihinalaang kriminal, kabilang ang mga iniuugnay sa paggamit, pagbebenta, o paggawa ng ilegal na droga.
Bakit sila itinuturing na may pananagutan? Ayon sa dokumento ng ICC, ginamit umano ng isa o higit pa sa mga co-perpetrators ang kanilang posisyon para kontrolin ang isang “structure of power” para maisakatuparan ang marahas na plano kontra droga. Kabilang sa mga istrukturang ito ang lokal na pulisya at ang umano’y Davao Death Squad sa Davao City. Nasa ilalim ng kanilang pamumuno ang mga nagsagawa ng mga operasyon. Kung may naganap na paglabag o krimen, mahirap sabihing wala silang kinalaman, dahil nasa kanilang awtoridad ang mag-utos o magpatigil sa mga pagpatay.
Sa parehong dokumento, sinabi ng prosekusyon na si Duterte ay “individually criminally responsible” bilang indirect co-perpetrator sa tatlong bilang ng crimes against humanity. Una ay ang pagpatay sa Davao City noong siya ay alkalde. Pangalawa ay ang pagpatay sa mga high-value targets noong siya ay pangulo. At pangatlo ay ang pagpatay at tangkang pagpatay sa tuwing may mga barangay clearance operations.
Gaya ng inaasahan, mariing itinanggi ni Senador Bong Go ang pagkakasangkot niya. Wala raw kaugnayan sa kanyang tungkulin bilang Special Assistant to the President at dating Executive Assistant sa Davao City ang pagiging kasabwat sa war on drugs. Iginiit niyang naglingkod daw siya alinsunod sa batas ng tao at ng Diyos.
Samantala, si Senador Bato Dela Rosa ay hindi pa rin nagpakita sa publiko mula nang magbalik-sesyon ng Senado noong Nobyembre. Hindi na siya sumulpot sa trabaho matapos lumabas ang mga ulat na maaari siyang arestuhin. Sa isang mensahe, sinabi niyang siya ay naghihintay at umaasang mananaig ang “true justice.”
Tinanggap ng grupong Rise Up for Life and for Rights, na binubuo ng mga kamag-anak ng mga biktima ng extrajudicial killings, ang pagpangalan sa mga umano’y kasabwat ni Duterte. Isa itong senyales na hindi sila nag-iisa sa paghahanap ng katarungan. Nanawagan din ang International Coalition for Human Rights in the Philippines sa ICC na maglabas na ng arrest warrants laban kina Senador Go at Senador dela Rosa. Anila, malinaw umanong hindi kayang panagutin ng sistemang pangkatarungan ng Pilipinas ang mga tinukoy na kasabwat. Habang malaya pa sila, may panganib ng pagsira sa ebidensya, pananakot sa mga testigo, o pagtakas.
Mula sa pananaw ng Simbahan, malinaw ang kahulugan ng hustisya. Ito ay ang paggalang sa karapatan ng bawat isa at pagtataguyod ng kaayusang nagtatanggol sa mahihina at nagtataguyod ng kabutihang panlahat. Layunin nitong protektahan ang mga inaapi, isinasantabi, at hindi pinakikinggan.
Bilang mga Kristiyano, pinanghahawakan din natin ang mga salita sa Isaias 30:18: “Sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.” Naghihintay tayo hindi sa kawalan ng pag-asa, kundi sa paniniwalang darating ang pananagutan—lalong lalo na para sa mga pamilyang naulila ng extrajudicial killings.
Mga Kapanalig, ang tunay na hustisya ay may kasamang pananagutan, katapatan, at paggalang sa dignidad ng tao. Hindi ito salitang basta binibigkas lamang para sa pansariling kapakanan. Habang patuloy na umuusad ang proseso sa ICC, naniniwala tayong darating ang araw ng pagtutuos at mananaig ang tunay na katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.






