363 total views
Sa buong mundo, mas dumami pa ang mga batang nakakaranas ng multi-dimensional poverty – umabot na ng 1.2 billion bunsod ng pandemya. Ito ay 15 percent ang taas magmula sa pagsibol ng pandemya noong nakaraang taon. Ayon sa UNICEF at Save the Children, mga 45% ng mga bata ang hindi naka-access ng edukasyon, healthcare, housing, nutrition, sanitation and water sa mahigit pa sa pitongpung bansa.
Kapanalig, ang sektor ng kabataan sa ating bansa ay lagi ding bulnerable. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, 31.4 percent ng mga kabataan ay kabilang sa mga maralitang pamilya. Kailangan nating mabantayan ang kanilang sitwasyon.
Ang online learning – kapanalig, ay isang isyu na kailangan nating ma-monitor. Ang digital divide ay isang katotohanang kailangan nating harapin. Hindi lahat ng bata ay may access sa internet at gadgets na kailangan upang makasabay sila sa mga kapwa nila mag-aaaral. Ang modular mode ay isang paraan upang matuto pa rin ang mga bata, ngunit kailangan nating isa-alang alang na napabilis ng pandemya ang shift ng buong mundo sa teknolohiya. Kung hindi natin masisimulan ang pag-gamit ng teknolohiya sa mga batang maralita, mapapag-iwanan naman sila.
Ang nutrisyon din ng maraming bata sa ating bayan ay pihadong naging mas malala ngayong pandemya. Bago pa man dumating ang COVID-19, stunted o maliit para sa kanyang edad ang isa sa tatlong batang may edad lima pababa sa ating bayan. Isa din sa tatlong batang edad 12 months hanggang 23 months ay may anaemia. At dahil nga umabot sa record high na 7.6 milyong pamilya ang nagutom nitong setyembre ng nakaraang taon, maraming bata ang pihadong naghirap.
Kapanalig, sa anumang krisis, ang bata ang laging higit na naghihirap. Wala silang kapangyarihan o lakas – sila ay umaasa lamang sa mga nakakatanda para sa kanilang survival. Kaya nga’t katungkulan nating gawin ang lahat upang mabuhay sila na nakakamtan ang kanilang mga batayang karapatan – gaya ng access sa edukasyon at kalusugan.
Ayon sa Mater et Magistra, obligasyon ng estado na gamitin ang lahat ng kanyang kapangyarihan upang masiguro ang karapatan ng mga bulnerableng miyembro ng lipunan, gaya ng mga bata. Ang sitwasyon ng mga bata ngayon ay nagbabadyang krisis din sa kalaunan para sa ating bayan. Anong kinabukasan ang kanilang kahihinatnan kung ang kanilang kasalukuyan ay puno ng gutom at kawalan? Kapanalig, huwag natin iwanan ang mga kabataan.
Sumainyo ang Katotohanan.






