231 total views
Mga Kapanalig, sa pagtatapos ng huling araw ng substitution ng mga kakandidato sa darating na halalan, naging mas malinaw na sa atin kung sinu-sino ang mga magkakakampi. May mga umatras pa sa kanilang pagtakbo upang magbigay-daan sa tunay nilang kandidato. ‘Ika nga, nakita na natin ang kanilang tunay na kulay. Ngunit hindi na tayo nagugulat.
Upang magpakita ng kanilang lakas at suporta sa dalawang kandidato para sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan, nagsanib-puwersa ang iba’t ibang national at regional parties sa bansa. Titiyakin daw nila ang pagkapanalo ng anak ng dating diktador at ng anak ng umiidolo rito. “Grand coalition” ang itinawag nila sa pagsasama-sama ng mga grupong pinangungunahan ng mga dating presidenteng sangkot sa iba’t ibang kaso ng katiwalian. Ang isa ay napatunayang guilty sa plunder o pandarambong. Bago natin malimutan, aabot sa apat na bilyong piso ang napunta sa katiwalian nang may basbas niya. Napatunayan ding tumanggap siya ng payola mula sa iligal na sugal. Plunder din ang kasong kinasangkutan ng isa pang dating presidenteng kasama sa koalisyon. Umabot sa mahigit 300 milyong piso mula sa lotto na dapat ipinamahagi sa mga charity institutions ang nakurakot. Matapos ang limang taóng hospital detention, na-acquit siya ng Korte Suprema kaya siya ay malaya na. Bago nito, inaresto siya dahil sa pandaraya sa eleksyon ngunit nagawa niyang makapagpiyansa.
Binuo raw ang “grand alliance” para sa unification o pagkakaisa. Ayon sa kanilang mga kandidato, bunga raw ito ng kagustuhang magkaisa ang bayan at hilumin ang mga sugat ng nakaraan. Ito raw ang magiging daan ng pagsusulong ng iisang layunin para sa mas magandang kinabukasan ng kasalukuyang henerasyon at ng mga susunod pa. Ang alyansa raw ang magdadala ng kapayapaan sa bayang lugmok sa maruming larangan ng pulitika.
Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, kinikilala ni Pope Francis ang katotohanang narurumihan ang pulitika dahil sa mga pagkakamali, katiwalian, at hindi maayos na pamamalakad ng ilang pulitiko. Kaya naman, nanawagan siya sa isang malusog na uri ng pulitika—isang pulitikang kayang baguhin at pag-ugnayin ang mga institusyon, pulitikang nagsusulong ng mabubuting pamamaraan ng pamamalakad, pulitikang kayang lampasan ang impluwensya ng sistema at mga nagpapatakbo nito. Dagdag pa niya, ang mga pulitikong nais manalo sa halalan ay hindi naman tunay na hinahangad ang kapakanan ng mga susunod na henerasyon, ngunit ito ang hinihingi ng tunay na katarungan o authentic justice.
At ano ang tunay na katarungan? Ito ay katarungang nakabatay sa katotohanan, pag-ibig, at pagmamalasakit sa kapwa. Paano natin makakamit ang katarungan kung patuloy ang pagtatakip sa katotohanan para lokohin ang taumbayan at kalimutan ang kanilang mga kasalanan? Paano natin makakamit ang katarungan kung ang umiiral ay ang pagkapit sa kapangyarihan? Paano natin makakamit ang katarungan kung ginagamit lamang ang mahihina at mahihirap upang isulong ang mga makikitid na interes ng mga nasa poder?
Ngayong halalan, suriin nating mabuti ang mga taong nagsasabing sila ang magdadala ng pagkakaisa gayong sila mismo ang dumudungis sa pulitika. Tingnan natin ang mga nagawa at ginagawa ng mga taong nagpapakilalang maghahatid ng paghilom gayong sila mismo ang nasa likod ng matitinding sugat sa mga biktima ng kasakiman sa kapangyarihan at ng karahasan. Balikan natin kung tunay bang humingi ng pagpapatawad ang mga taong naghahain ng kanilang sarili para sa pagkakaisa nating lahat samantalang malalim na pagkakahati-hati ang kanilang idinulot sa ating bayan.
Mga Kapanalig, sa ating pagpili ng mga iboboto natin sa darating na halalan, pakatandaan natin ang habilin ng Diyos kay Jetro sa Exodo 18:21, “pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at ‘di masusuhulan.” Makikipagsanib-puwersa ba tayo sa mga pulitikong ang tanging hangad ay kapangyarihan?