464 total views
Bibisitahin ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang Bureau of Fire Protection National Headquarters sa Quezon City.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Father (FSI) Raymond Tapia ng BFP Chaplaincy, ibinahagi nitong ito ay bahagi ng paghahandang espiritwal ng mga kawani ng BFP sa nalalapit na Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus.
“Mayroon kaming Advent recollection sa BFP tapos ang Nuncio [Archbishop Brown] ang mag-preside ng Misa sa 12 noon,” pahayag ni Fr. Tapia sa Radio Veritas.
Ayon pa kay Fr. Tapia, gagawaran ng BFP ng ‘arrival honors’ si Archbishop Brown sa alas-onse ng umaga.
Susundan naman ito ng ‘courtesy call’ kay BFP Chief, Fire Director Louie Puracan bago ang Misa sa alas-dose ng tanghali.
Ang BFP ang kauna-unahang sakop ng military diocese na magbibigay ng arrival honors sa kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas.
Samantala, ibinahagi rin ng pari na kasalukuyang nasa BFP Headquarters ang national pilgrim image ng Mahal na Birhen ng Fatima hanggang December 9.
Inaanyayahan ng Pari ang mananampalataya na tunghayan ang Banal na Misa na pangungunahan ng Nuncio sa official Facebook page na BFP National Headquarters Chaplain Services – CHS.