270 total views
Nais ng Diocese of Borongan na mas maging handa ang kanilang mga mamamayan sa pagdating ng mga kalamidad.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, tatlong taon makalipas ang pananalasa sa kanila ng bagyong Yolanda ay patuloy pa rin ang Simbahang Katolika sa mga programa na naglalayong ibangon ang mga residente mula sa pinsala na iniwan ng nasabing bagyo.
Giit ni Bishop Varquez, kasabay ng layunin na muling maisa-ayos ang kanilang mga tahanan at kabuhayan, nais din ng Simbahan na maging mas “resilient” ang mamamayan ng Eastern Samar sa mga banta ng kalamidad.
“We have to prepare our communities sa mga possible calamities, yung tinatawag namin na maging resilient ang mga tao sa ganitong disaster sa buhay nila, iyan ang aming patuloy na ginagawa sa Diocese through our Social Action Commission,” wika ni Bishop Varquez sa panayam ng Veritas 846.
Sinabi din ng Obispo na patuloy ang kanilang mga proyekto para sa mga survivors ng bagyong Yolanda lalo na ang pagkakaloob ng maayos na pabahay sapagkat hindi ito madali lalo na dahil sa patuloy na epekto ng kahirapan sa lugar.
“On-going pa ang aming projects for shelters, merong permanent shelters at meron din mga shelters na part lang ng bahay or repair ng mga bahay na nasira na hindi pa ngayon maisaayos dahil sa kahirapan ng tao,” dagdag pa ng Obispo ng Borongon, Samar.
Sa datos ng Caritas Philippines umabot na sa mahigit 3 bilyong piso na halaga ng tulong ang naibabahagi nila para sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda sa loob lamang ng tatlong taon.
Magugunitang umabot sa 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Yolanda Nobyembre ng taong 2013 habang nasa mahigit isang milyong kabahayan ang nasira partikular na sa lalawigan ng Eastern Samar at Leyte.