211 total views
Inihayag ng grupong Eco-Challenge for Change ang resulta ng pagtataya ng grupo sa naging aksyon ng Administrayong Duterte sa Unang 100 araw nang panunungkulan nito sa bayan.
Gumamit ang Eco-Challenge ng mga simbolong Gold, Silver, Bronze at Black Mark para sa paghahayag ng grado ng pamahalaan.
Sa labing apat na Environmental agendas ng Eco-Challenge, apat dito ang binigyan ng black mark dahil wala silang nakitang pagtugon dito mula sa administrasyon.
“Sa labing-apat na ito [Environmental agendas] nakita natin na nagkaroon na ng pagbabago sa 10 out of the 14 na mga demands and challenges ng Eco-Challenge… Ito yung mga malalaking positibong hakbang na sa 100 araw palang parang nahigitan na nya yung nakaraang anim na taon ng nakaraang administrasyon,” pahayag ni Leon Dulce Campaign Coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment.
Dagdag pa ni Dulce, sa kabuuan ay positibo pa rin ang Eco-Challenge sa naging trabaho ng Duterte Adminstration sa unang 100 araw.
Gayunman inihayag pa ni Dulce na kinakailangan ng karagdagang policy reform upang mapaigting ang seguridad para sa kalikasan.
“Kung indicator yung unang 100 araw sa kung ano pa ang gagawin ng Duterte Administration sa next 5 to 6 years, magandang makita na magkaroon na ng pagbabago sa mga patakaran at mga programa ng pambansang gobyerno. So yun yung gusto nating ma-layout pa sa susunod na 5 to 6 years yung policy agenda ng Duterte Administration when it comes to environment,” dagdag pa nito.
Kabilang sa sampung Environmental Agendas na binigyan ng Eco-Challenge ng Gold at Silver na grado ang paninindigan ni President Duterte na tapusin ang US-PH Military Exercises dahil nagdudulot ito ng pinsala sa karagatan; Ang usapin sa pagmimina; at Agrikultura.
Tiniyak naman ng Eco-Challenge for Change na mananatili itong mapagmatyag at bukas sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan upang mapagbuti ang pangangalaga sa kalikasan.
“Magiging katuwang nya (Duterte Administration) kami, kung magkakaroon ng mga positibong reporma sa batas sa mining, batas sa agrikultura batas sa toxic
waste batas sa enerhiya na titiyakin na ang nagbebenepisyo at nananatiling ligtas ay yung mga mamamayang Filipino.