304 total views
Kumikilos na ang Diocese of Kalookan upang matulungan ang mga naapektuhan ng sunog sa Navotas Fish Port Complex nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Caritas Kalookan at Social Action Director Fr. Benedict John Cervantes, kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang institusyon ng Simbahan gaya ng Caritas Manila at Simbahan ng Quiapo para makatugon sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Sinabi ni Fr. Cervantes na una nang nagsagawa ng pagtulong ang iba pang mga parokya sa kanilang diyosesis.
“Iyong ibang mga parokya nag-respond na, nagdala sila ng goods diretso na sa apektadong parokya ang San Lorenzo Luis Parish na under ng Dominican.” pahayag ni Fr. Cervantes sa panayam ng Damay Kapanalig.
Patuloy naman ang pag-apela ng Caritas Kalookan sa mga mabubuting loob na nais tumulong na maaring makipag-ugnayan sa kanila o sa mismong parokya ng San Lorenzo Ruiz upang makapagbahagi ng tulong.
“Ang mga pangangailangan talaga ay tubig, mattress, mga damit at pagkain saka gamot para sa mga bata.”dagdag pa ng Social Action Director ng Diocese of Kalookan.
Batay sa ulat ng mga otoridad, nasa 700 kabahayan o 1,200 Pamilya ang naapektuhan ng nasabing sunog kung saan sinasabing nagmula sa naiwang nakasinding kandila.
Kaugnay nito, kasalukuyan nang nagsasagawa ng repacking ng mga relief goods ang Caritas Manila upang makatugon sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya.(Rowel Garcia)