430 total views
Mga Kapanalig, bukod sa Manila Bay, isa pang nanganganib na anyo ng tubig sa ating bansa ang Lawa ng Laguna.
Sa sukat na 90,000 hectares, ito ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas. Ngunit 20 porsyento nito ay ginagamit ng mga pribadong korporasyon at mga indibidwal na negosyanteng nagpapatakbo at namamahala ng malalawak na fish pens, ilan sa mga ito ay hindi rehistrado o pinangangasiwaan ng “dummies”, kaya’t masasabing iligal.
Samantala, habang patuloy ang paglago ng mga bayan at ang paglaki ng populasyon sa paligid ng lawa dahil na rin sa tinatawag na urbanisasyon, pabilis din nang pabilis ang pagkasira ng lawa. Gaya ng Manila Bay, sinasalo rin ng Lawa ng Laguna ang mga basura mula sa mga kabahayan at iba’t ibang industriya. Dito rin dumadaloy ang duming mula sa mga pabrika, sakahan, at mga daluyan ng tubig. Sa lalâ ng polusyon, masasabing kritikal na ang lagay ng Lawa ng Laguna.
Maliban sa mga yamang-tubig na nabubuhay sa lawa, pinakaapektado ng pagkasira ng lawa ang mga maliliit na mangingisda, silang mga walang fishpens at umaasa sa anumang mahuhuli ng kanilang lambat para makapaghanapbuhay at makakain.
Ang ugnayan sa pagitan ng kahirapan ng mga tao at ang pagkasira ng kalikasan ay matingkad sa encyclical ni Pope Francis na Laudato Si’. Aniya, ang hanapbuhay ng nakararaming mga dukha ay nakasalalay sa kalikasan, halimbawa na nga nito ang mga maliliit na mangingisdang ang ikinabubuhay ay mula sa dagat o lawa. Kaya naman, puna ng Santo Papa, ang malawakang pagsira at pang-aabuso sa kalikasan ay sanhi ng pagkaubos ng likas-yamang nagbibigay sa mga pamayanan ng kanilang ikinabubuhay. Mga Kapanalig, katumbas po ito ng pagnanakaw sa mahihirap.
Ngunit may mas malalim pa pong epekto ang pagkawasak ng kalikasan gaya ng mga anyong tubig. Kasabay ng pagkawala ng pagkakataon ng mga mahihirap at lokal na pamayanan upang makapangisda, binubura ng pagkasira ng kalikasan ang mga balangkas sa isang lipunan o “social structures” na sa mahabang panahon ay humubog sa kultural na pagkakakilanlan o “cultural identity” at sa kahulugan ng buhay at pakikipagkapwa sa isang pamayanan. Sa pagsira sa kalikasan, kasamang naisasakripisyo ang kaluluwa ng isang pamayanan.
Kaya’t malaki marahil ang pasasalamat ng mga maliliit na mangingisda nang mabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA noong nakaraang linggo ang kanilang kalagayan at ang pangakong tututukan sila ng pamahalaan. Wika ng ating Pangulo, “The poor fishermen will have priority in its entitlements.” Ang mga mahihirap na mangingisda ay bibigyan ng prayoridad para mapakinabangan ang biyaya ng lawa.
Ngunit hindi malinaw kung paano ito gagawin, lalo na nang banggitin niya ang pangkahalatang plano sa Lawa ng Laguna. Sabi ng pangulo, “Laguna Lake shall be transformed into a vibrant economic zone showcasing tourism by addressing the negative impact of a watershed destruction, land conversion and pollution.” Ilang araw matapos ang SONA, ganito rin ang binanggit ng kalihim ng DENR na si Gina Lopez. Nakikita niya ang Lawa ng Laguna bilang isang “magnificent eco-tourism zone”, walang mga basura, mas kaunti ang mga fishpen, may mga turistang namamangka, at may mga restaurants o kainan sa paligid. Wala pang detalyadong plano ang pamahalaan. Ngunit kung pagbabatayan natin ang kanilang sinabi para bang wala namang kaugnayan ang mga ito sa pagtugon sa kalagayan ng mga maliliit na mangingisda?