169 total views
Minamatyagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang mga hakbangin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapasara sa mga kumpanyang nagpapatupad ng ENDO o “end of contract” sa bansa.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, pakatutukan nito ang pangulo sa determinasyon nitong tanggalin ang talamak na kontrakwalisasyon na pinaiiral ng ilang mga malalaking kumpanya tulad ng mga malls.
Aantabayanan rin ni Bishop Pabillo ang mga panuntunan na ipatutupad ng Department of Labor and Employment o (DOLE) sa hakbangin ito na nais mangyari ng pangulo na matagal na ring ipinaglalaban ng Simbahang Katolika sa paggalang sa karapatan ng mga ordinaryong manggagawang.
“Tignan natin, naghahanap tayo ng pruweba kung gaano siya kaseryoso. Kaya maganda yung hangarin, maganda yung pahayag pero titignan natin paano niya gagawin. Kaya mag – aantay pa tayo sa ngayon wala pang mga guidelines paano ba gagawin ito kung magpapasara siya ng mga company. Tignan natin sinong mga kumpanya ang ipapasara niya,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinasabi sa Integrated Survey on Labor and Employment na isinagawa ng Philippine Statistics Authority noong 2014, apat sa 10 manggagawang Pilipino o 39 percent ang hindi regular sa kanilang trabaho.
Batay dito, tinatayang aabot sa halos 2-milyong manggagawa ang nawawalan ng trabaho matapos mapaso ang kanilang mga kontrata.
Nakasaad naman sa encyclical na Laborem Exercens na sinulat ni St John Paul II, ang paggawa ay mabuti sa tao para ganap niyang makamit ang kanyang pagiging tao.