24,107 total views
Ikinatuwa ng Catholic Bishops conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang pagtupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pangako na pagtatatag ng bangko na laan para sa mga overseas Filipino workers (OFW).
Ayon kay CBCP-ECMI chairman at Balanga Bishop Ruperto Santos, malaking tulong ang pagkakaroon ng sariling bangko para sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibayong dagat upang masigurong protektado ang perang kanilang ipinapadala sa bansa.
Sinabi ng Obispo na sagot din ang OFW bank upang makaipon ang mga OFW at mas maging madali ang magpadala ng salapi dahil isang bangko na lamang ang hahawak.
“We at CBCP ECMI are grateful to our president and we appreciate his caring gesture. Creation of OFW bank will be valuable help to them and will give the financial assistance and security. Their money is safe, secured and they can really save money, even time and efforts going to different banks, sending money to different remittance centres,” pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Sa ilalim ng Executive Order No. 44 na nilagdaan ni Pangulong Duterte, pinahihintulutan nito ang pagbili ng Landbank of the Philippines sa Philippine Postal Savings Bank na siyang gagawing Overseas Filipino Bank.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng Landbank ang ang pangsang-ayon ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Philippine Deposit Insurance Corporation, Securities and Exchange Commission at Philippine Competition Commission upang tuluyang mapasakamay nito ang Philippine Postal Bank.
Gayunman, tutol ang grupong Migrante International sa pagtatag ng OFW bank dahil patatagin lamang nito ang matagal ng bangkaroteng “labor export program” ng Pilipinas.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 2.2 milyon ang bilang ng mga OFW sa buong mundo noong Abril hanggang Setyembre 2016 kung saan nanatiling nangununga ang Saudi Arabia sa mga bansa may pinakamaraming bilang ng OFW workers na may 23.8-porsiyento.
Bukod sa OFW bank, una nang ipinangako ni Pangulong Duterte ang pagtatayo ng sariling departamento para sa mga OFW upang matutukan ng husto ang kanilang kalagayan at maging oraganisado ang mga polisiya dahil isang kagawaran na lang ang hahawak sa kanila.
READ: Department of Overseas Filipino Workers, bawas pasanin sa migranteng Pilipino
Sa kanyang pagbisita sa bansa noong 2015, pinuri ng Kanyang Kabanalan Francisco ang tibay at tapang ng mga OFW kung saan nagtutungo sa ibang bansa upang itaguyod ang kanilang mga pamilya.