24,562 total views
Dagok sa mga mahihirap na Filipino ang tuluyang pagsasabatas ng tax reform program.
Itinuturing ni CBCP Episcopal Commission on the Laity Chairman at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na pinakamabigat na kalbaryo sa mga mahihirap ang nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte na Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.
Ayon kay Bishop Pabillo, bagamat hindi na bubuwisan pa ang mga manggagawa na kumikita ng 250-libong piso pababa kada taon ay labis namang mapeperwisyo ang mga dukha at yaong mga nasa laylayan dahil sa pagpataas ng mga pangunahing produkto na kanilang kinikonsumo.
“Ang tax reform program maraming sumisigaw diyan, iyan ay against the poor kasi tataasan nila ang mga VAT na taxes para sa lahat. Kahit sinabi nila na tatanggalin ang income tax sa mga bracket ng minumum wage, ilan lang ang madadamay doon, pero kapag nataasan ang gastos ng lahat, lahat ay madadamay, kapag ita-tax natin sa gasolina, tatamaan ang lahat d’yan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Dahil sa pingangambahang epekto sa mga maralita ng reporma sa buwis, nilinaw ng palasyo na pagkakalooban ng pamahalaan ng 200-piso kada buwan simula Enero sa susunod taon ang may nasa 10-milyong mahihirap na pamilyang Filipino habang 300 at 400-piso naman ang matatanggap na cash transfer ng mga ito sa 2019 at 2020.
Samantala, sa halip na taasan ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng tao, binigyang-diin ni Bishop Pabillo na mas nararapat na patungan ng buwis ang mga produktong nakakapaghatid ng panganib at masamang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan tulad ng alak at sigarilyo.
“Sana nga mas tinax nila ang sigarilyo at alak para hindi na makakabili ang tao pero sa ganito na ang tinaasan ay mga common commodities ang madadamay talaga dito ay ang mahihirap,” dagdag pa ng Obispo.
Sisimulan ang pagpapatupad ang TRAIN Law sa January 1, 2018.
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika, mahalagang isaalang-alang ang kabutihang pangkalahatan sa anumang reporma na gagawin ng pamahalaan.