23,974 total views
Sumentro sa pagtataguyod ng karapatan ng mga internally displaced persons at kahandaan sa gitna ng sakuna ang paggunita sa International Day for Disaster Reduction (IDDR) at ASEAN Day for Disaster Management (ADDM) sa Quezon city.
Sa ilalim ng temang “Ligtas na Tahanan Tungo sa Matatag na Pamilya at Komunidad”, nagsama-sama ang mahigit 150 disaster risk reduction and management advocates mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ibahagi sa mga pamilya at organisasyon ang kahandaan gayundin ang mga bagay na dapat isaalang-alang sa oras ng sakuna.
Inihayag ni Adelina Sevilla-Alvarez ng Center for Community Journalism and Development na marami pang aspeto kaugnay sa pagiging handa sa gitna ng kalamidad ang kailangang pagtuunan ng pansin ng gobyerno partikular na ang pagbabahagi ng impormasyon sa pinakamaliit na unit ng lipunan – ang pamilya.
Sa 2017 Global Report on Internal Displacement ng Internal Displacement Monitoring Centre’s (IDMC), umabot sa 1.2 milyong ang displaced person sa Pilipinas kung saan 170-libo rito ang lumikas dulot ng iba’t ibang sakuna habang 466-libo naman ay dahil sa nagaganap na digmaaan at karahasan.
Pinangunahan ang IDDR-ADDM ng Office of the Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council katuwang ang Disaster Risk Reduction Network Philippines at mga miyembro nitong organisasyon.
Patuloy naman ang panawagan ng simbahan sa publiko na mag-ingat sa posibilidad ng sakuna at patuloy na manalangin upang ipagadya ang bansa sa anumang banta ng kalamidad.