229 total views
Hindi na natutuwa ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagganap ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya kontra droga dahilan upang ilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)ang pagiging lead agency sa magpapatupad ng programa.
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, maari namang ipatupad ang drug campaign nang hindi na kailangan ang pagpaslang.
“Discontented pati na ang presidente dun sa performance ng PNP. Huwag na nilang itatago ‘yun, kundi hindi na gagawa ng pagbabago ‘yun. Kanya, there is a sign of hope na tumatalab sa presidente yung feedback ng mga tao. Kaya ang mga tao, dapat patuloy ang pagtutol sa maling pamamaraan sa problema nang paglaban sa droga,” ayon pa kay Bishop Bacani.
Sa tala, may higit sa 14,000 katao na ang napaslang na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Naninindigan ang simbahan na hindi tugon sa war against drugs ang pagpaslang sa halip ay ang pagtulong sa mga nalululong sa bisyo na magbago at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.
Una na ring idineklara ni Bishop David ang lahat ng simbahan sa ilalim ng Diocese ng Caloocan bilang community based rehabilitation center para tulungan ang mga lulong sa masamang bisyo na makapagbago at maging kapakipakinabang na mamamayan ng lipunan.
Sa Archdiocese of Manila, 12 parokya ang nagbukas ng community drug rehabilitation kung saan mahigit sa 100- 80 recovered addicts ang nagtapos sa ilalim ng Sanlakbay sa Pagpapanibago ng Buhay 6-month drug rehab program.