9,786 total views
Ayon kay Castro, walang dahilan para madaliin ang pagpasa lalo’t ang pondo ay gagamitin para sa susunod na taon.
Duda ang mambabatas na ang kautusan ng pangulo ay upang paigsiin ang talakayan para pagtakpan ang hindi tamang paggastos sa pera ng bayan.
Iginiit ni Castro na kabilang sa Makabayan bloc, mula sa dating apat na linggo, umabot na lamang sa 11 araw na ‘committee briefings’ at pitong araw na plenaryo ang ginugugol ng mga mambabatas sa pagsusuri ng national budget bukod pa sa ginawang pang-aabuso sa pagbibigay ng ‘parliamentary courtesy.’
Binigyang diin pa ng teacher solon na tungkulin ng Mababang Kapulungan na suriing mabuti ang pambansang pondo upang matiyak na ang paglalaanan ng kaban ng bayan ay legal at para sa kabutihan ng mamamayang Filipino.
“We are not the shield of the executive against transparency and accountability. It is only by doing this duty and standing with those they supposedly represent will Congress counter the allegation that it is a rubberstamp of Malacanang,” ayon pa sa pahayag ni Castro.
Ang pahayag ng mambabatas ay makaraang i-certify as urgent ni Pangulong Marcos Jr. ang House Bill No. 8980 kung saan nakapaloob ang General Appropriations Bill (GAB) o ang P5.768 trillion proposed 2024 national budget.
Ang kautusan ay binasa sa plenaryo ni House Speaker Martin Romualdez na nangangahulugan na tatapusin ang pagtalakay ng hanggang sa September 29 -o ang pagpasa at pagpapatibay ng panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa ay gagawin sa parehong araw.