26,685 total views
Isinisi ni Senator Risa Hontiveros ang pamamayagpag ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas dahil kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas, sinabi ni Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, sa pamamagitan ng defacto policy ni Duterte at ng mga kaalyado nito ay nakapasok ang POGO sa bansa na nagdulot ng maraming problema sa Pilipinas.
“Opo. Si Duterte po ang nag-defacto policy ng open doors sa mga POGO. Siya at ang kaniyang mga kasabwat. Tapos nagbunga ng napakaraming “ills” sa ating lipunan at hanggang ngayon, ito nga naharap tayo sa maraming masasamang epekto nito sa harap ng ating lipunan at ng kasalukuyang gobyerno hanggang ngayon,” ayon kay Hontiveros.
Ipinagtataka rin ng mambabatas kung bakit pinayagan ang POGO operation sa Pilipinas, gayung ilegal ito sa China, at naka-ban na rin sa Cambodia-makaraan ang pansamantalang pagpapatupad.
“Bakit kung ilegal at krimen sa ibang bansa bakit pinayagan sa atin,” ayon pa sa mambabatas.
Sinabi ni Hontiveros na sa apat na taong pag-iimbestiga ng senado sa mga POGO related issues ay nadiskubre ang mga isyu kaugnay sa human trafficking, money laundering at pagkakanlong sa mga kriminal na ngayon ay tinitingnan na rin ang isyu ng espionage, surveillance at hacking.
Sa nakalipas na imbestigasyon ng senado kay Bamban Mayor Alice Guo, hindi pa rin malinaw ang tunay na pagkakakilanlan ng alkalde, maging ang kanyang nationality, gayundin ang pagkaka-ugnay sa mga kriminal at hindi maipaliwanag na kayamanan at mga pag-aari.
Pangunahing layunin ng imbestigasyon in-aid of legislation kaugnay sa POGO operation na nagagamit bilang ‘cover-up’ sa iba’t ibang krimen, na naglalagay sa panganib sa bansa sa national security at transnational crime.
Sa tala ng PAGCOR, mayroong kabuuang 200 license to operate ang ibinigay sa POGO, 190 sa mga ito ay sinuspinde dahil sa mga paglabag, subalit may ilan ding binigyan ng provisional license.
Una na ring tinalakay sa Senado ang pagdagsa ng mga mag-aaral mula sa China partikular sa lalawigan ng Cagayan.
Ang mga pangyayari ay kasabay na rin ng patuloy na paniniil at pagtataboy ng Chinese Coast Guard at Chinese militia sa mga mangingisdang Filipino sa West Philippine Sea-ang teritoryong bahagi ng pagmamay-ari ng Pilipinas ayon na rin sa UNCLOS at 2016 Arbitral Award.