19,356 total views
Binigyang pagkilala ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang Diocesan Shrine and Cathedral-Parish of Saint Joseph the Worker sa Tagbilaran, Bohol o mas kilala bilang Tagbilaran Cathedral para sa mahalagang ambag nito sa kasaysayan ng bansa.
Pinangunahan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang unveiling ng national historical marker na matatagpuan sa harapang bahagi ng Tagbilaran Cathedral.
Sa naganap na paghahawi ng tabing ng panandang pangkasaysayan ay tinukoy ni National Historical Commission of the Philippines executive director Carminda Arevalo ang mahalagang papel na ginagampanan ng Katedral ng Tagbilaran sa kasaysayan ng bansa at maging ng pananampalataya sa lalawigan.
Ipinaliwanag ni Arevalo na ang pagkilala ng NHCP sa ambag ng Tagbilaran Cathedral sa mayamang kasaysayan ng bansa ay bahagi ng isinasagawang pagkikila ng komisyon sa halos 100 mga lugar sa buong bansa na mayroong mahalagang ambag sa tinatamasang kalayaan ng Pilipinas bilang tugon sa idineklara ng pamahalaan na 125th anniversary of Philippine Independence and Nationhood mula 2023 hanggang 2026.
Inihayag pa ni Arevalo na ang pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng Tagbilaran Cathedral sa kasaysayan ng bansa ay isa ring hamon para sa mga Boholeno upang ganap na maging tagapagmana ng dakilang kasaysayan.
Nakalimbag sa panandang pangkasaysayan na matatagpuan sa Tagbilaran Cathedral ang pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng katedral bilang saksi sa pananampalataya at pagkabansa ng Pilipinas.
Naganap ang unveiling ng national historical marker sa Tagbilaran Cathedral noong ika-30 ng Mayo, 2024 na personal din sinaksihan ng mga opisyal ng NHCP at Diyosesis ng Tagbilaran kabilang na sina Monsignor Efren Bongay, Parish Priest and Rector of St. Joseph the Worker Cathedral-Shrine at Father Milan “Ted” Torralba, chairperson ng Diocese of Tagbilaran Commission for the Cultural Heritage of the Church kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Tagbilaran Mayor Jane Censoria Cajes- Yap, Bohol Provincial Vice Governor Dr. Dionisio Victor A. Balite at National Museum Director for the Visayas Atty. Ma. Cecilia U. Tirol.
Photo Source National Historical Commission of the Philippines (NHCP):