86,585 total views
Mga Kapanalig, “ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Ang mga salitang ito mula sa Mateo 19:6 ay ang pinakamadalas nating marinig sa tuwing lumulutang ang usapin tungkol sa divorce o diborsyo sa ating bansa. Ginagamit itong battlecry, ‘ika nga, ng mga tutol sa pagkakaroon ng batas na magpapahintulot sa mga mag-asawa na ipawalambisa ang kanilang kasal at mag-asawang muli. Kung inyong nabalitaan, pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang Absolute Divorce Act. Nasa 126 na mambabatas ang pumabor sa panukalang batas; 109 ang tumutol, habang 20 ang nag-abstain.
Malinaw ang posisyon ng Simbahang Katoliko sa diborsyo. Ito ay “anti-family, anti-marriage, [at] anti-children”, gaya ng binibigyang-diin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP). Ang pagsasabatas sa naturang panukala ay pagtalikod din ng ating mga mambabatas sa kanilang mandatong itaguyod ang pag-aasawa (o marriage) at ang pamilya. Para sa Simbahan, hindi ito ang “ultimate solution” sa mga problemadong pagsasama.
Hindi natin matatalakay dito ang teknikalidad ng Absolute Divorce Act at ang malalalim na basehan ng paninindigan ng ating Simbahan. Ngunit maging imbitasyon sana ang paglutang muli ng isyu ng diborsyo upang pagnilayan natin ang isa sa mahahalagang institusyon sa ating lipunan—ang pag-aasawa.
Pinahahalagahan pa rin naman nating mga Pilipino ang kasal—sa huwes man o sa Simbahan. Isa nga ito sa mga pinakapinaghahandaang okasyon sa ating pamilya. Gusto nating isiping ligaya ang hatid ng mga nagpapakasal dahil mas lumalawak ang ating pamilya. Maghahatid din ito ng bagong buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng anak ng mag-asawa.
Gayunman, kapansin-pansin ang pagdami ng mga nagsasamang hindi na pinipiling magpakasal. Sa National Demographic and Health Survey (o NDHS) noong 2022, 18.8% ng mga babaeng edad 15 hanggang 49 ay nagsabing ang kanilang marital status ay “living together”. Malayo ito sa 5% noong simula ng dekada ‘90. Samantala, bumaba naman ang porsyento ng mga nagpapakasal—mula 53% noong dekada ’90, nasa 36% na lang ito noong 2022.
Isa sa mga seryosong hamon sa mga nagsasama—kasal man o hindi—ang pagdanas ng karahasan, lalo na ng babae. Sa NDHS pa rin, 17% ng mga babaeng edad 15 hanggang 49 ang nagsabing nakaranas sila ng pisikal, sekswal, o emosyonal na pang-aabuso. Hindi tayo magtataka kung mas mataas ang bilang na ito sa totoong buhay, lalo pa’t pinipili ng mga biktima—o kaya naman ay pinipilit sila—na huwag i-report ang kanilang nararanasan. May mga pinipiling lumayo sa mga mapang-abusong asawa o kinakasama para sa sariling kaligtasan at para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Siguradong may mga kakilala kayong magbibigay ng human face, ‘ika nga, sa mga numerong ito—mga nagsasamang hiráp sa buhay, mga babaeng inaabuso at sinasaktan, o mga lalaking pinababayaan ang kanilang asawa at mga anak. Maaaring katrabaho natin sila, kapitbahay, o kapamilya natin mismo.
Bilang mga Katolikong nagpapahalaga sa sakramento ng kasal, paano natin sila inaabot? Bilang bahagi ng Simbahan, paano natin sila dinadamayan sa kanilang paghihirap? Bilang mga Kristiyano, paano natin sila ginagabayan upang malampasan ang kanilang masalimuot na sitwasyon? May ginagawa ba tayo bilang Simbahan? Sabi nga sa Catholic social teaching na Amoris Laetitia, bagamat ikinalulungkot natin ang paghihiwalay ng mga mag-asawa, ang Simbahan, bilang isang komunidad, ay dapat na sinasamahan sila nang may pagmamalasakit.
Mga Kapanalig, may diborsyo man o wala, mahalagang suriin din nating mga mananampalataya kung paano tumutugon ang Simbahan sa mga mag-asawa at pamilyang dumaraan sa matitinding pagsubok. Tulungan natin silang hilumin ang kanilang mga sugat kaysa pahapdiin pa lalo ang mga ito sa pamamagitan ng ating pagbalewala sa kanilang karanasan at panghuhusga sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.