22,425 total views
Iminumungkahi ng Department of Health sa mga lokal na pamahalaan na iwasan muna ang pagdaraos ng mga gawain sa ‘open ground’ dulot ng init ng panahon.
Ayon kay Health Assistant Secretay at Deputy Spokesperson Dr. Albert Domingo, ito ay upang makaiwas sa mga sakit na dulot at maaring magpalala sa karamdamang taglay ng mga tao.
Kinumpirma rin ng DoH na naitala ng tanggapan simula Enero hanggang Abril ang 77 kaso ng heat-related illnesses, kung saan pito sa mga ito ang nasawi.
Paliwanag ni Domingo, anim sa pitong nasawi ay may ibang karamdaman na pinalala pa ng labis na init na panahon.
Sa 77 kaso ng heat related-illnesses ayon pa sa DoH, 39 sa mga pasyente ang nakibahagi sa street dance sa Central Visayas.
“Mayroon po tayong clustering may isang grupo sa 77 cases, 39 na mga nag-street dancing, magkakasama sila sa isang pista sa Central Visayas. Kaya pinaalalahanan namin sa lahat po ng mga local government na nagpapapista sa panahong ito, piliin po natin ang oras,” ayon kay Domingo.
Ayon pa sa opisyal ng DoH, na iwasan ang mga oras ng ika-10 ng umaga hanggang sa ikaapat ng hapon na siyang nararanasan ang pinakamainit.
“Baka pwede namang night party or evening ceremony para hindi mainit,” ayon kay Domingo.
Ang buwan ng Mayo sa Pilipinas ay isa sa may pinakamaraming gawain at pista na ipinagdiriwang, kabilang na ang pagdaraos ng ‘Flores de Mayo’.