109,825 total views
Mga Kapanalig, si Vice President Sara Duterte na mismo ang nagsabi: “Christmas is a season for forgiveness, love, and generosity.” Iyon daw ang mensahe at diwa ng Pasko.
Pero hindi para sa kanya. Nasa sa ating mga pinaglilikuran niya bilang pangalawang pinakamakapangyarihan sa gobyerno kung tayo ay magiging mapagpatawad. Magkakaiba raw tayo. May mga mabilis magpatawad. May mga kailangan ng panahon para maghilom ang sugat. May mga bibitbitin ang kanilang hinanakit hanggang sa kanilang huling hantungan. Para kay VP Sara, hindi raw siya makakapagpatawad. Mukhang hindi uubra sa kanya ang paalala sa Lucas 6:27 na “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.”
Sinabi niya ang mensahe niyang ito habang nagsasagawa ng isang thanksgiving program ang Office of the Vice President sa Lagawe, Ifugao. Ginamit niya ang okasyon para iparating sa kanyang mga itinuturing na kaaway na wala silang maaasahang pagpapatawad mula sa kanya, kahit malapit na ang Pasko. Ganoon nga kaya katindi ang tampo niya sa mga kapwa pulitiko niya sa gitna ng mga isyung ibinabato sa kanya at sa kanyang opisina? Ganoon kaya kalalim ang sugat na iniwan ng sunud-sunod na batikos sa kanya na hindi niya kayang magpatawad?
Pero sa mga nangyayari sa ating bayan, hindi kaya ang taumbayan ang dapat hingan ng tawad ng ating mga lider?
Baón ang ating bansa sa utang. Natapos ang buwan ng Oktubre na ang ating utang ay tumataginting na 16 triyong piso. Hindi naman mali ang umutang, lalo na kung gagamitin naman ito sa mga programa at proyektong pakikinabangan natin. Pero masakit sa kaloobang malamang may ganito tayong kalaking utang habang ang mga nasa gobyerno ay hindi maipaliwanag kung saan nila ginastos ang perang ipinakatiwala sa kanila. Malalaman pa nating napunta ito sa kamay ng kung sinong hindi naman mapatunayang totoong tao.
Samantala, sa pangatlong quarter ng taóng ito, 59% daw ng mga pamilyang Pilipino—o 16.3 milyong pamilya—ang nagsabing sila ay “mahirap.” Ito ang pinakamataas na self-rated poverty na naitala ng Social Weather Stations (o SWS) mula noong Hunyo 2008. Nasa 2.5 milyong pamilya ang nagsabing naging mahirap sila ngayong taon lang. Sila ang tinatawag na “newly poor.” Sa Mindanao naman ang pinakamataas na antas ng self-rated poverty.
Maraming dahilan sa likod ng kahirapan sa ating bansa, pero malaking bahagi nito ang kakulangan ng disenteng trabaho at kabuhayan. Kumikita ang mga negosyante habang nagtitiis sa baryang suweldo ang mga manggagawa. Lumalawak ang negosyo ng mayayaman habang nawawalan ng lupa at tirahan ang mga karaniwang mamamayan at mga katutubo. Nakikinabang ang mga dayuhan sa ating likas-yaman habang nagdarahop ang mga mangingisda at magsasaka.
Noong panahon ng tag-init, na pinalala ng El Niño, ekta-ektaryang mga sakahan ang nasira. Nang pumasok ang panahon ng tag-ulan, sunud-sunod na bagyo ang nanalasa at milyun-milyon ang naapektuhan ng mga ito. Kitang-kita ang laki ng pagkukulang sa paghahanda ng mga lokal na pamahalaan, at mga pampalubag-loob na relief goods lamang ang kayang ibigay ng gobyerno. Sa halip na pangmatagalang solusyon ang atupagin ng ating mga lider, batuhan ng putik at siraan ang ginagawa nila. Nagsisisihan ngayon ang mga nakaupo, gayong pagkakaisa (o unity) ang ipinangako nila sa atin.
Mga Kapanalig, malaki ang dapat nating asahan sa ating pamahalaan. Sabi nga sa Catholic social teaching na Mater et Magistra, ang pagsasakatuparan ng kabutihang panlahat (o common good) ang pangunahing dahilan ng pag-iral ng gobyerno. Itinatag ito para tiyakin ang kapakanan ng taumbayan, lalo na ng mga nasa laylayan, ‘ika nga. Kapag nagkukulang sila—o kung sila mismo ang dahilan ng mga problemang kinakaharap natin—hindi ba dapat lamang na sila ang humingi ng tawad?
Sumainyo ang katotohanan.