362 total views
Umaasa si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na magbunga ng paglago sa espiritwalidad ang isinagawang penitential service ng mga pari ng arkidiyosesis.
Paliwanag ng obispo ito ang isa sa natatanging paraan upang hingin ang habag at awa ng Panginoon na mawakasan na ang naranasang pandemya.
“Inaasahan po naming impact ay spiritual impact, naniniwala tayo sa salita ng Diyos na kapag tayo’y nagsisi, nagbagong buhay at nanalangin sa Diyos pakikinggan Niya ang ating dasal,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ang pahayag ni Bishop Pabillo ay kasunod ng matagumpay na ‘A Day of Fasting, Prayer, Penitential Service and Penitential Walk’ ng arkidiyosesis na dinaluhan ng humigit kumulang isandaang mga pari.
Nagsimula ang pagtitipon sa rito ng pagbabalik loob sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na pinangunahan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr.
Dito nagkaroon ng pagkakataon ang mga pari kabilang na sina Bishop Bacani at Bishop Pabillo na dumulog sa sakramento ng kumpisal makaraang dasalin ang confessio peccati.
Sa paliwanag ni Bishop Pabillo, ang mga pari ang kumakatawan sa sambayanan na nagbabalik loob at buong kababaang loob na humingi ng kapatawaran sa mga pagkukulang sa Diyos at sa kapwa.
Ayon naman kay Bishop Bacani sa panahon ng salot at sakuna bukod tanging ang Diyos lamang ang sandigan ng mamamayan tulad ng nasusulat sa Banal na Kasulatan.
“Napakahalaga na sa panahon ng matinding krisis na ito unang una ang Panginoon sapagkat ang Panginoon ang pinakalunas ng lahat, it is better to take refuge in the Lord than to take refuge in mortals,” ani Bishop Bacani.
Mula Quiapo Church naglakad ang mga pari patungong Sta. Cruz Church kung saan ipinagdiwang ang Banal na Misa na pinangunahan ni Bishop Pabillo.
Matapos ang gawain sa umaga, isinagawa naman sa mga parokya ang pagdiriwang ng banal na misa at pangungumpisal sa ilang indibidwal na pinahihintulutang makadalo ng personal sa mga selebrasyon sa mga simbahan alinsunod sa 30 porsyentong kapasidad.
Isinagawa ang penitential walk sa unang araw ng Hunyo bilang paghahanda sa buwan ng Kabanal-banalang puso ni Hesus at paghahanda sa pagdating ni Manila Archbishop – elect Cardinal Jose Advincula.
Ang arkidiyosesis namay 86 na mga parokya ay may mahigit sa 600 mga pari na nangangasiwa sa mahigit tatlong milyong mananampalataya.