14,735 total views
Homiliya Para sa Ika-10 Linggo ng Karaniwang Panahon, 9 Hunyo 2024, Mk 3:20-35
Ang ating pagninilay sa araw na ito ay tungkol sa pagtatayo ng tahanan, hindi lang bahay. Alam naman natin na hindi lahat ng bahay ay tahanan, di ba? Di ba may kasabihan tayo: “Mabuti na sa akin ang bahay kahit kubo kung nakatira ay tao, kaysa bahay na bato pero ang nakatira ay kuwago.” Baka mansion nga ang bahay pero para namang mga kuwago sa isa’t isa ang nakatira, hindi tao. Mga kuwagong sa dilim nakakakita, pero sa liwanag walang nakikita. Paano nga ba naman mabubuo ang isang tahanan kung ang magkakasambahay parang tau-tauhan ang trato sa isa’t isa—mulat sa dilim, bulag sa liwanag?
Sa Ingles sinasabi rin nila ito: not every house is a home. Kaya siguro ang dating salitang “housekeeper” pinalitan na nila ng “homemaker”. Paano ba magtayo—hindi lang ng bahay kundi ng tahanan? How do you build a home? May kasabihan din sa Ingles na parang sumasagot sa tanong na ito: “Home is where the heart is.” Kung saan naroon ang puso, nabubuo ang isang tahanan. Narinig natin sa ating second reading: Dumadaan lang daw tayo dito sa mundo. Na kahit busy tayo sa pagtatayo ng ating mga makalupang tahanan, alam nating lilipas din ang mga ito. Na mayroon tayong tinutungo na mas higit pang tahanan na hindi mawawasak, isang tahanan daw na Diyos ang may gawa. Anong tahanan ang tinutukoy?
Kung totoo na ang mga makalupa nating tahanan ay nabubuo kapag naroon ang ating mga puso, ang makalangit na tahanan natin ay nagkakatotoo kapag naghahari sa ating mga puso ang Sagradong Puso ni Hesus. If home is where the heart it, Church is where the Sacred Heart is. Iugnay nating lagi ang Sacred Heart sa “homemaking”, building an eternal home. Hindi tayo ang magtatayo nito, kundi ang Diyos mismo sa pamamagitan ng Espiritu Santong nagbubuklod sa atin bilang mas malaking pamilya, ang Espiritu Santong nagpapatibok sa Sagradong Puso ni Hesus sa mga kalooban natin, ang Espiritung magpapakilala sa Diyos bilang ating Ama at sa bawat kapwa bilang kapatid.
Ano ang mga palatandaan na unti-unti nang nabubuo ng Panginoon ang tahanan niya sa piling natin? Kapag nakakapintig na ng Sagradong Puso ang mga puso natin. Kabaligtaran ang narinig natin sa kuwento ng unang pagbasa—tungkol sa taong dati daw na kasama ng Diyos na naglalakad sa paraiso, ngunit ngayo’y lumalayo, nagtatago. Ni hindi mapanindigan ang kanilang mga pagkakamali—nagdadahilan, naghahanap ng masusumbatan. Ang kasalanan ni Adan ay ipinaratang kay Eba; at si Eba naman sa ahas. Sa ganyang paraan nawawasak ang tahanan. Kapag walang kababaang-loob na umamin sa pagkakasala at magpuno sa pagkukulang ng isa’t isa.
Sa ebanghelyo, ito rin ang babala ni Hesus sa mga nagpaparatang na kampon daw siya ng dimonyo at nagpapalayas ng dimonyo sa kapangyarihan din ng dimonyo. Kahit kaharian ng dimonyo ay babagsak kung sila mismo ay hindi magkaisa, ang sabi niya. Kailangan din ng dimonyo na magkaisa para manira, kung paanong pinagkakaisa tayo ng Espiritu Santo para magtayo at magbuo. Pero sayang kung Espiritu Santo na ang kumikilos, dimonyo pa rin ang inyong nakikita, ang sabi niya. Parang mga kuwagong dilat ngunit bulag sa liwanag. Talagang walang patutunguhan ang ganyan kundi pagkawasak.
Kaya natutuwa ako na ginawa ninyong okasyon ang kapistahang ito ng Sagradong Puso dito sa Tugatog para sa paglulunsad ng inyong reformulated Vision and Mission bilang isang parish community. Akmang-akma sa tema ng sinasabi kong “If home is where the heart is, Church is where the Sacred Heart is.” Napakasimple ng formulation ng inyong Vision, pero swak na swak, ika nga. “Isang sambayanan ng mga kamanlalakbay ng Mahal na Puso ni Hesus na ganap na pinaghaharian ng Espiritu ng Ama, kasama ng Mahal na Ina (sa titulong Birhen ng Medalya MIlagrosa).”
Sa inyong pagbubuo sa parokya bilang communion of communities, nawa’y maranasan ninyong nabubuo unti-unti ang Tahanan ng Diyos habang nakakapintig na ng inyong mga Puso ang Mahal na Puso ni Hesus, upang matutong makibuklod sa bawat kapwa bilang kasambahay, bilang kapatid at kapamilyang tumutuklas at tumutupad sa kalooban ng Diyos.