318 total views
Ikinababahala ng isang Arsobispo ng Mindanao na umabot sa kanilang rehiyon ang international terrorist attack na nangyayari sa ibat-ibang panig ng mundo.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, napakahalagang magkaroon ng peace agreement para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon upang hindi na makapasok ang mga international terrorist.
Ikinaalarma ng Arsobispo na umaabot na sa 800 ang insidente ng terrorist attack sa iba’t-ibang mga bansa dahil sa kawalan ng kapayapaan.
Iginiit ni Archbishop Ledesma ang kahalagahan na maibigay ng bagong administrasyon ang kaunlaran, pagpapanibago sa takbo ng buhay ng mga taga-Mindanao at tunay na kapayapaan.
“ Iyon ang kinakabahan natin na itong acts of terrorism will also reach Mindanao in an organized international manner and yun nga ang ibig sabihin natin na we really have to also bring a both lasting peace agreement so that we can develop the island of Mindanao,”pahayag ni Archbishop Ledesma sa Radio Veritas.
Nabatid mula Enero ngayong taon ay umaabot na sa 838 ang insidente ng terorismo sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Pinakahuli ang insidente sa Nice, France kung saan 84-katao ang namatay dahil sa pagsagasa ng isang truck sa napakaraming tao sa gitna ng selebrasyon ng Bastille day.