225 total views
The Filipino is worth dying for.
Ang mga salitang iyan, mga Kapanalig, ay kay dating senador at martir ng demokrasya na si Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., na ang kamatayan ay ginugunita natin ngayon. Sa araw na ito, 35 taon na ang nakalipas, binaril si Ninoy habang bumababa siya sa eroplano nang bumalik siya sa bansa matapos ang tatlong taóng exile sa Estados Unidos.
Ngunit hindi ito ang mga eksaktong salita niya. Mas mahaba at mas malalim ang kanyang paliwanag kung bakit, para sa kanya, karapat-dapat na ialay ang buhay para sa mga Pilipino. Narito ang kanyang mga salitang winika niya sa isang talumpati sa Amerika:
“I have asked myself many times: Is the Filipino worth suffering, or even dying, for? Is he not a coward who would readily yield to any colonizer, be he foreign or homegrown? Is a Filipino more comfortable under an authoritarian leader because he does not want to be burdened with the freedom of choice? Is he unprepared, or worse, ill-suited for presidential or parliamentary democracy?… I have carefully weighed the virtues and the faults of the Filipino and I have come to the conclusion that he is worth dying for because he is the nation’s greatest untapped resource.”
Binanggit niya ang mga ito noong 1980, tatlong taon bago siya pinatay. At sa panahong iyon, dumaranas ang Pilipinas ng krisis sa pulitika at ekonomiya sa ilalim ng diktadurang Marcos, ngunit nanatili ang pag-asa ni Ninoy na kaya ng mga Pilipinong bawiin ang kalayaang ipinagkait sa kanila ng mga nasa poder. Naniwala siyang mas nananaig ang kabutihan ng mga Pilipino kaysa sa kanilang mga kamalian, at handa siyang ialay ang kanyang buhay upang patunayan ang kanyang pinanindigan. At ganito nga ang nangyari.
Tatlumpu’t limang taon na ang nakalipas matapos ang malagim na pagkakapatay kay Ninoy at mahigit 30 taon na rin mula nang mapatalsik ang mga Marcos matapos ang mapayapang rebolusyon ng mga Pilipinong nagmamalasakit sa kanilang kapwa at sa mga susunod na henerasyon, sa tingin mo, Kapanalig, “worth dying for” pa rin ba ang mga Pilipino? Sa kasalukuyan nating kalagayan, masasabi mo bang handa mong ilaan ang iyong buhay para sa iyong kapwa? Tiyak akong may ilan sa ating magdadalawang-isip o kaya nama’y magkakaagam-agam.
Bayani ang mga taong handang isakripisyo ang kanilang buhay para itaguyod ang kapakanan ng kanyang kapwa, gaya ng ginawa ni Ninoy. Ngunit magagawa nating bumuo ng isang lipunang makatao at makatarungan kung gagampanan lamang natin ang tungkulin nating itaguyod ang katarungan at pag-ibig. Sabi nga sa Gaudium et Spes, “It is imperative that no one… indulge in a merely individualistic morality. The best way to fulfill one’s obligations of justice and love is to contribute to the common good according to one’s means and the needs of others.” Kailangan nating lampasan ang isang uri ng moralidad na nakabatay sa pansarili nating panuntunan. Hinihimok tayo ng Simbahang mag-ambag sa kabutihan ng lahat—o ang tinatawag nating common good—sa pamamagitan ng pagkilos para sa katarungan at pag-ibig batay na rin sa ating kakayahan at sa pangangailangan ng iba. Sa madaling salita, sabi nga sa isang awitin, walang sinuman ang nabubuhay at namamatay para sa sarili lamang. May pananagutan tayo sa isa’t isa.
Malaking hamon ito sa panahon natin ngayon. Marami ang nagkakanya-kanya. Marami ang nais lamangan ang kanyang kapwa. Marami sa atin ang natatakot. Marami ang ayaw pasanín ang kalayaang pumili at ang paninindigan para sa tama. Ganito rin ang kalagayan ng Pilipinas noong panahon ni Ninoy, ngunit naniwala siyang sa kaibuturan ng mga Pilipino, naroon ang kabutihang magdadala ng liwanag sa isang lipunang nababalot ng dilim.
At ang araw na ito ay paalalang may pag-asa pa.
Sumainyo ang katotohanan.