Mga Kapanalig, noong ika-26 ng Oktubre, nagkaroon ng wastewater spill sa Bais Bay sa Negros Occidental.
Ang wastewater spill ay nanggaling sa pasilidad na pagmamay-ari at pinatatakbo ng Universal Robina Corporation (o URC) na sikat sa paggawa ng mga produktong pagkain gaya ng instant coffee, chichirya, instant noodles, at mga kendi. Umagos sa dagat ang 255,000 cubic meters ng ethanol matapos masira ang isang lagoon sa pasilidad. Lindol ang sinasabing dahilan ng pagkakaroon ng cracks o lamat ng tailing pond ng pasilidad, at ito ang naging sanhi ng tuluyang pag-agos ng tinatawag na molasses sa dagat. (Ang molasses ay ang naiwang likido o syrup mula sa pagpoproseso ng asukal mula sa tubó.)
Ang wastewater spill ay bumalot sa tatlong libong ektarya ng dagat na parte ng Tañon Strait Protected Seascape. Isinailalim na sa state of calamity ang mga lugar na apektado ng wastewater spill, partikular ang lungsod ng Bais at ang bayan ng Manjuyod. Napakalaki kasi ang naging epekto ng wastewater spill sa katubigan at sa mga naninirahan sa mga coastal areas na nakapaligid rito. Dahil sa pangyayari na nagdulot ng fish kill, tiyak na matitigil ang hanapbuhay ng mga kababayan nating umaasa sa biyaya ng Bais Bay.
Isa ang Tañon Strait Protected Seascape sa mga pinakamalaking marine protected areas sa Pilipinas. Tahanan ito ng iba’t ibang klase ng isda, bahura o corals, at iba pang lamang-dagat. Hindi lamang ito pinagmumulan ng kabuhayan ng mga mangingisda. Sikat din ito sa mga turista kaya marami ring naghahanapbuhay sa mga resorts. Isa sa mga atraksyon doon ang mga dolphins. Ngunit sa pagtapon ng kemikal galing sa lagoon ng URC, ang dating malinis at malinaw na katubigan ay nagkulay pula at naging masangsang dahil sa ethanol.
Ayon sa mayor ng Bais City, hindi ito ang unang beses na napinsala ng naturang pasilidad ng URC ang kanilang katubigan. Paulit-ulit na raw ito sa loob ng maraming taon na. Kaya naman, papatawan daw ng lokal na pamahalaan ng penalty ang URC. Kung tunay na nagmamalasakit sa mga komunidad at kalikasan ang naturang korporasyon, titiyakin nito araw-araw na hindi makapagdudulot ng pinsala ang pasilidad nito. Walang puwang para sa aksidente. Walang puwang para sa kapabayaan. Pero kung paulit-ulit na nga ito, gaya ng sinabi ng alkalde, mukhang hindi prayoridad ng korporasyon ang kapakanan ng mga nakapaligid sa pasilidad nito.
Nakalulungkot na laging ang mga karaniwang tao at ang kalikasan ang unang pumapasan ng epekto ng kapabayaan—na masasabi nating nag-uugat sa kasakiman—ng mga malalaking korporasyon. Sa isang iglap, ang mga pamilya sa mga komunidad na nakapaligid sa naapektuhang lugar ay nawalan ng makakain at mapagkakakitaan. Maraming araw, linggo, o buwang hindi makakain ang mga pamilya. Maraming taon o dekada pa ang hihintayin para manumbalik ang mga nasirang yamang-dagat.
Sabi nga sa Mga Kawikaan 1:19, buhay ang kapalit ng pagtahak sa landas ng kasakiman. Sa kaso ng mga iresponsableng korporasyon, kaninong buhay ang naisasakripisyo? Buhay ng mga tao—lalo na ng maliliit at mahihirap—at ng lahat sa kalikasan.
Paalala pa sa atin sa Catholic social teaching na Laudato Si’, ang mundo ay tumatangis dahil sa pinsalang dulot ng ating iresponsableng paggamit at pag-abuso sa mga biyayang ibinigay ng Diyos sa atin. Pero hindi naririnig ng mga korporasyon ang pagtangis na ito dahil nilulunod ito ng kanilang kasakiman.
Mga Kapanalig, kung hahayaan natin ang malalaking negosyo na gawin ang anumang gugustuhin nila sa ngalan ng kita, mas titindi ang bigat na papasanin ng mga komunidad at ng ating kalikasan. Kaya panahon nang panagutin ang mga iresponsable at pabayang korporasyon. Dangal ng tao at kalikasan ang dapat inuuna, hindi ang kita.
Sumainyo ang katotohanan.






