419 total views
Homiliya para sa Ika-3 Linggo ng Karaniwang Panahon, 22 Enero 2023, Mat 4:12-23
Madilim ang sitwasyon para kay Hesus sa ating ebanghelyong binasa. Inaresto at ibinilanggo ng mga otoridad ang pinsan niyang propeta na si Juan Bautista. Ramdam na ramdam ang tensyon sa sitwasyon. Umalis daw siya sa Nazareth at doon daw siya nanirahan sa Capernaum, malapit sa Lawa ng Galilea.
Minsan talaga, may mga bagay na biglaang magpapabago sa takbo ng buhay natin sa ayaw natin at sa gusto. Merong parang domino-effect ang mga pangyayari, ayon sa kuwento ni San Mateo: babaguhin nito ang takbo ng buhay—ni Juan Bautista, ni Hesus, ng dalawang magkapatid: Simon at Andres, Santiago at Juan. Mayroong isa pang karakter na makararanas din ng bagong takbo ng buhay. Nasa background siya, pero hindi binabanggit ni San Mateo sa kuwento niya. Sino ba ang ang nasa bahay nila sa Nazareth na napakahalaga sa buhay ni Hesus na tiyak na maaapektuhan din ng takbo ng mga pangyayari: Edi si Mama Mary!
Alam nyo naman na mahilig akong mag-“reading between the lines” ng Banal na Kasulatan gamit ang imahinasyon. Kaya doon sa isinulat kong librong YESHUA, inilarawan ko doon ang eksena ng pag-alis ni Hesus mula sa Nazareth. Na halos ipagtulakan siya ng nanay niya, “Anak, parang awa mo na, lumayo-layo ka muna. Mainit ang sitwasyon. Kung inaresto ng mga sundalo ng gobernador ng Galilea ang pinsan mo, at alam nilang ikaw ang pinaka-kanang kamay ni Kuya Juan mo, siguradong markado ka na at pinaghahanap ka na rin. Alam mo namang malupit ang gobernador, di ba?Pinapapugutan niya ng ulo ang mga bumabatikos sa administrasyon niya.“
Parang ganoon din noong panahon ng martial law sa Pilipinas, noong isa-isang ipinabibilanggo ang mga oposisyon at sinumang kritikal sa gubyerno. Mabuti kung legal na inaareesto; ang iba pinaglalaho. “Desaparecidos” ang tawag sa kanila sa Latin America. Dinudukot, “sinasalvage”, hindi na lumilitaw. Hindi pa ginagamit noon ang salitang EJK. Nakakatakot. Kaya nauso noon sa mga aktibista ang salitang “lie low muna.” Parang ganoon ang sitwasyong hinaharap ni Hesus. Mainit, kailangan munang magpalamig. Nagmamanman ang mga otoridad, huwag munang lumantad, magtago muna, lumayo muna, magtungo doon kung saan hindi ka gaanong kakilala.
Sigurado akong mabigat din sa loob ni Hesus na lisanin ang Nazareth at iwan ang nanay niya. Palagay ko, sinabihan siya ni Mama Mary, “Huwag mo akong problemahin, anak. May kaunting ipon naman na iniwan ang Tatay Jose mo bago siya namatay. Basta umalis ka lang muna. Mas mamamatay ako sa pag-aalala sa iyo kung nandito ka.”
Kapag pinangunahan talaga tayo ng nerbyos tungkol sa mga biglaang pangyayari at delikadong sitwasyon, ang natural na reaksyon ay pagkatakot, pag-atras, paglayo, pagtatago, pananahimik. Pero hindi ganoon ang gagawin ni Hesus pagdating niya sa Capernaum. Imbes na magtago siya, lumantad siya. Imbes na tumahimik, nangaral siya. Imbes na magdili-dili nakipagkaibigan at humanap ng mga katropa.
Iyan ang pagkakaiba ng REAKSYON sa TUGON. Kahit sa Ingles, iba ang “reaction” sa “response”. Iyung reaksyon, halos automatic iyan—idinidikta ng sitwasyon, hindi pinag-iisipan. Ang tugon o response, hindi iyan automatic. Hindi nagpapadala sa sitwasyon kundi mulat at kusang loob na na sumasagot o tumutugon sa tawag ng sitwasyon. Iba iyan sa reaksyon; pinag-iisipan, kinikilatis, pinagninilayan, pinag-aaralan, dinidisisyunan at pinaninindigan.
Kaya sa kuwento ni Mateo, ang madilim na sitwasyon mismo ay magiging okasyon ng simula ng pagmimisyon ni Hesus, ng paglantad niya sa publiko at pangangaral ng mabuting balita. Ilalarawan ito ni San Mateo bilang “pagsikat ng liwanag”. Ewan kung napansin nyo, inulit pa nga ni Mateo ang orakulong binigkas ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa. Bakit? Ang Capernaum kasi ay parte ng mga rehiyon na binabanggit ni Isaias: Zebulun at Naphtali—dako ng Galilea sa may Lawa—lugar ng mga Hentil.
Ang orakulong ito ay binabasa natin kapag Krismas—“Ang bayang nabubuhay sa kadiliman ay nakatanaw ng isang matinding liwanag; ang mga binalutan ng anino ng kamatayan ay sinikatan ng bukang-liwayway.” Pati ang dating mensahe ni Juan tungkol sa pagdating ng paghahari ng Diyos binago ni Hesus. Hindi isang nakakatakot na parusa ang pahayag niyang darating kundi mabuting balita! At hindi iyung tipong hihintayin pa sa hinaharap. Ang kaharian ay narito na. Saan? Hindi sa langit kundi dito sa daigdig. Kailan? Hindi bukas o pagkamatay kundi NGAYON NA.
Sayang, kapag ang salita ay isinasalin, minsan nawawalan ng dating. Minsan malamya ang translation, hindi nasasapol ang ibig sabihin. Sabi niya sa Griyego, “Metanoiete, enggiken gar he basileia twn ouranwn.” Ang translation sa Ingles “Repent, for the kingdom of heaven is at hand.” Sa Tagalog, “Pagsisihan ang kasalanan, narito na ang kaharian ng langit.” Palagay ko ang angkop na translation ay, “Magbago ng kalooban.” Ibig sabihin, hindi reaksyon kundi tugon ang hinihingi ng sitwasyon. Padidilimin ng sitwasyon ang buhay natin kung hahayaan nating magpadala lang sa agos. Nasa atin ang desisyon—na lumabas sa liwanag imbes na magtago, magpalakas ng loob imbes na matakot, magpahayag ng pag-asa imbes na masiraan ng loob, na maghatid ng grasya sa gitna ng disgrasya, na simulan nang gawin ngayon na mismo ang pinapangarap na bukas.
Di ba ito ang itinuro niyang panalangin sa atin? “Mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.” Mga kapatid, huwag nating sayangin ang maikling buhay at panahon natin; simulan na dito sa lupa ang pinapangarap nating langit.