238 total views
Umaapela ng tulong ang Prelatura ng Isabela Basilan para sa libu-libong Muslim na nasunugan sa Barangay Kumpurnah, Isabela City, Basilan.
Inihayag ni Father Franklyn Floyd Constan, Social Action Director ng Prelatura ng Isabela de Basilan na mahigit sa 2,000 residente ang naapektuhan ng naganap na sunog noong ika-18 ng Hunyo.
Ayon kay Father Constan, nakapagpadala na sila ng bigas, canned goods at mga damit ngunit hindi pa ito sasapat sa dami ng mga residenteng nawalan ng tahanan at kabuhayan sa sunog.
Nilinaw ng pari na hindi hadlang ang pagkakaiba ng relihiyon upang magtulungan sa oras ng pangangailangan at trahedya.
Nananawagan din ang Pari sa Caritas Manila at iba pang institusyon ng Simbahang Katolika na tulungan silang makatugon sa mga apektadong residente.
“Dito po sa Prelature of Isabela De Basilan may nasunog po na community at members po ng mga barangay na ito ay mga Muslim brothers and sisters natin so in spirit of the holy month of Ramadan we are asking generous people that we can work hand in hand, heart to heart with our brothers and sisters na Muslim at sana may mga tulong na maibigay tayo sa kanila,”pahayag ni Fr. Constan sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa datos, aabot lamang sa mahigit 70 libo ang Katoliko sa Basilan o 20 porsyento ng kabuuang populasyon.