105,172 total views
Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang latest?
Marami na siguro sa inyo ang nakakalam ng pinakahuling update sa mga balitang showbiz. Bakit naghiwalay ang isang loveteam? Sino ang nag-cheat sa kanilang karelasyon? Paano nabukó ang panloloko nila sa kani-kanilang kasintahan? May makakasuhan kaya ng paninirang-puri? O deserve ng mga nanlokong mapahiya sa publiko?
Sa ganitong mga isyu, maraming ayaw magpahuli sa latest. May kasabihan nga: may tainga ang lupa, may pakpak ang tsismis—este balita. May mga opinyon agad ang mga tao sa mga sangkot—may mga nagtatanggol at may mga kulang na lang ay ipako sa krus ang mga nagkamali. Bantayan natin ang ating mga sarili sa tuwing may pumupukaw sa ating atensyon na latest na kaganapan sa mga sikat at kilaláng tao. Paalala nga sa Levitico 19:16, “Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa…”
Pero ang ating gigil sa mga sangkot sa mga ganitong kuwento ay dapat maipakita rin natin sa pagpapanagot sa mga nasa gobyerno. Kung merong deserve, ‘ika nga, na makilatis ng publiko at mabusisi nang husto ang kanilang mga ginagawa, ito ay ang ating mga lingkod-bayan.
Baka nakakalimutan na natin ang tungkol sa POGO o Philippine offshore gaming operators, na dapat nang mawala bago matapos ang taon. Bagamat may utos na si Pangulong BBM ukol dito at kaliwa’t kanan ang mga raid na ginagawa ng ating awtoridad sa mga POGO facilities, ayaw paawat ng mga operators. Natuklasang nagpapanggap ang mga ito bilang business process outsourcing (o BPO). Ito ang isiniwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission sa huling pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Nasaan naman na ang mga sinasabing sangkot sa pagpasok ng mga POGO? Ang isa—si dismissed Bambang, Tarlac Mayor Alice Guo—ay nakakulong ngayon sa Pasig City Jail. Humaharap siya sa mga kasong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion. May pagkakataon na siyang sagutin ang mga ito sa korte. Ang iniuugnay din sa POGO na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque ay nakatakas na. Wala mang warrant para siya ay arestuhin, hindi niya magawang humarap sa ginawang imbestigasyon ng mga mambabatas tungkol sa mga krimeng iniuugnay sa POGO. Nagawa pa niyang makaalis ng bansa. Dapat pa rin siyang mahanap.
Samantala, nakakulong na rin ang nagtatag ng grupong Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy. Ilang buwan din siyang tinunton ng ating awtoridad para papanagutin sa mga kasong human trafficking at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Dapat nating bantayan ang takbo ng mga kasong ito dahil hindi maiaalis ang kaugnayan niya sa mga maimpluwensyang pulitikong pinagtatakpan ang paglabag niya sa batas.
Hindi rin natin dapat palampasin ang hindi pa rin pagbibigay-linaw ng Office of the Vice President (o OVP) sa mga kinukuwestyong dokumento na isinumite nito para sa paggamit nito ng 125 milyong pisong confidential funds sa loob lamang ng labing-isang araw. Ang isa nga sa mga tumanggap umano ng bahagi nito—mga gamot na nagkakahalaga ng ₱70,000—ay walang record sa Philippine Statistics Authority. Pinaghahanap pa rin siya at iba pang tumanggap sa perang galing sa kaban ng bayan.
Mga Kapanalig, ilan lamang ang mga pambansang isyung ito na nangangailangan ng ating masusing pagtutok para lumabas ang totoo. Tungkulin nating kumilos tungo sa katotohanan, ang igalang ito, at responsableng isiwalat ito. Turo ito ng ating Simbahan. Kaya naman, huwag nating hayaang mabaon sa limot ang mga sangkot sa panloloko, pangmamaltrato, at pagnanakaw. Kung gaano tayo kagigíl sa personal na buhay ng mga sikát, ganoon din sana tayo sa buhay ng ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.