Mga Kapanalig, sumapit na nga ang pinakamahalagang araw sa ating demokrasya. Ngayong araw, pipili tayo ng mga bagong lider ng ating bayan—mula sa pangulo at ikawalang pangulo hanggang sa mga alkalde at konsehal sa ating lugar. Nasa kamay ng 67.5 milyong rehistradong botante sa loob at labas ng bansa ang kahihinatnan ng ating bansa sa susunod na mga taon. Kaya naman, maituturing ang araw ng eleksyon na unang hakbang sa pagbabago.
Ang kapangyarihang pumili ng mamamayan ng mga mamumuno sa kanila ang isang aspeto ng demokrasyang pinahahalagahan ng ating Santa Iglesia. Walang pinapaborang porma ng pamahalaan (o form of government) ang Simbahan dahil ang mahalaga ay ang pagkamit sa kabutihan ng lahat o common good. Ang mga porma ng pamahalaan, kabilang ang demokrasya, ay means o kaparaanan lamang, hindi ang mismong end o pangunahing layunin. Gayunman, pinapahalagahan natin ang demokrasya dahil tinitiyak nito ang pakikilahok ng mga mamamayan sa pagpili ng kanilang mga lider. Pinapanagot din nito mga pinunong lumilihis sa kanilang sinumpaang tungkulin, at kung kinakailangan, pinapalitan sila sa mapayapang paraan katulad ng halalan. Dagdag pa ng Catholic social teaching na Centesimus Annus, posible ang tunay na demokrasya (o authentic democracy) kung umiiral ang mga batas at kung nakaugat ito sa tamang pag-unawa at pagkilala sa dignidad ng tao.
Marahil, hindi madaling maunawaan ng marami sa atin ang kahalagahan ng demokrasya. Ang mga mali sa demokrasya, kumbaga sa sakit sa katawan ng tao, ay malayo sa ating bituka. Hindi madaling makita ang kaugnayan nito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Mapapakain ba tayo ng demokrasya? Mapag-aaral ba nito ang ating mga anak? Magkakaroon ba tayo ng magandang trabaho dahil dito? Tataas ba ang suweldo ng mga manggagawa? Aangat ba ang buhay ng mga dukha dahil sa demokrasya? Hindi madaling magbigay ng direktang sagot sa mga tanong na ito.
Ngunit subukan natin tumutok sa isang aspeto nito: ang pagboto. Noong 2016, pumili tayo ng mga lider ng bansa, at ang mga nanalo noon ang pinakatiwalaan nating mamamahala sa atin. Mula sa araw na iyon, anu-ano ang masasabi mong pagbabago sa iyong buhay? Kumusta ang iyong trabaho? Nakapagtatabi ka ba mula sa iyong suweldo o nauuwi lang sa mga gastusin? Kumusta ang pag-aaral ng iyong mga anak, lalo na nitong may pandemya? Noong may nagkasakit sa iyong pamilya, nakapunta ba kayo sa ospital? Mabigat ba sa bulsa ang inyong naging gastos? Kung nakaraos—o umunlad pa—ang iyong pamilya nitong huling anim na taon, mapalad kayo.
Ngunit hindi lahat ay kasimpalad ninyo. Marami ang nawalan ng trabaho nang magsara ang mga negosyo noong pandemya. Marami ang umasa sa ayudang ilang araw lang napakinabangan. Maraming bata ang hindi na nakakapag-aral. Marami ang namatayan ng kapamilya, hindi lamang dahil sa pandemya kundi sa mga pagpatay sa ngalan daw ng kaayusan. Ang mga pangyayaring ito, personal man sa ating paningin, ay bunga ng mga desisyon ng mga nasa kapangyarihan. At ang mga nasa kapangyarihan ay ang mga taong pinili ng mga botante noong huling eleksyon. Malayo man sa bituka ang demokrasya, makikita nating may mga ugat ang ating mga personal na pinagdaraanan ngayon sa isang araw noon kung kailan pumili ang mga Pilipino ng ating mga lider.
Mga Kapanalig, anumang pagbabago ang ihatid sa atin ng eleksyon, nawa’y hindi natin makalimutang buong bayan ang makikinabang—o manganganib. Wika nga sa 1 Corinto 12:26, “Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.” Ganito rin ang ating buhay sa isang demokrasya. May epekto sa iyo at sa iyong kapwa ang desisyon mo ngayong araw ng eleksyon.






