475 total views
Mga Kapanalig, nagtatapos ngayon, Disyembre 12, ang “18-Day Campaign to End VAW” (o violence against women) ng Philippine Commission on Women o PCW. Nag-umpisa ito noong Nobyembre 25. Hangad ng kampanyang itaas ang kamalayan ng mga Pilipino sa isyu ng karahasan laban sa mga kababaihan, at paigtingin ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan upang pangalagaan ang karapatan ng mga babae.
Ang tema ng kampanya sa taóng ito ay “VAW-free community starts with me.” Tunay ngang nagsisimula sa bawat isa sa atin ang pagbubuo ng isang pamayanan kung saan malaya sa karahasan ang kababaihan. Lahat din ng sektor—pribadong sektor, mga NGO, mga paaralan, mga ahensiya ng pamahalaan mula sa pinakamataas na posisyon hanggang sa ating mga barangay—ay may tungkuling ilayó ang mga babae sa anumang uri ng karahasan.
At marami pa tayong dapat gawin. Ayon sa 2017 National Demographic and Health Survey, 17 porsiyento ng mga babaeng Pilipino ay nakaranas na ng pisikal na pang-aabuso mula edad 15. Limang porsiyento naman ang sekswal na inabuso. Mas madalas makaranas ng pang-aabuso ang mga babaeng hiwalay sa kanilang asawa at mga nabiyuda kaysa sa mga babaeng kasal at hindi pa ikinakasal. Isa sa apat na babaeng may asawa ang nakararanas na ng pang-aabuso. Samantala, sa mga babaeng ina, tatlong porsiyento ang nagsabing sinasaktan sila habang nagbubuntis; nalalagay sa alanganin ang buhay hindi lamang ng ina kundi pati ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Karamihan sa mga nananakit sa kababaihan ay ang kanilang asawa o kinakasama. Siguradong mas marami pa ang mga inaabusong babae ngunit pinili nilang hindi na i-report ang karahasang kanilang dinaranas dahil na rin marahil sa takot, pangamba, at kahihiyan.
Mga Kapanalig, labag sa dignidad ng babae bilang taong nilikhang kawangis ng Diyos ang pagmalupitan sila ng sinuman, lalo na ng mga lalaki. Hindi katwiran ang pagkakaiba sa pisikal at sikolohikal na katangian upang gawan ng karahasan ang mga babae, dahil una sa lahat, hindi nakabatay sa kasarian ang dignidad ng tao. Ang ating pagkakaiba ay bahagi ng banal na plano ng Diyos; ipinagkakaloob ng Diyos sa babae at lalake hindi lamang ang tungkuling ipagpatuloy ang buhay sa mundo, ngunit ang tungkuling buuin ang kasaysayan nang magkaagapay. Ngunit paano ito mangyayari kung inaabuso, minamaliit, at isinasantabi natin ang mga babae? Paano sila makapag-aambag sa kanilang pamilya, pamayanan, at lipunan kung hindi nila masiguro ang kanilang kaligtasan?
Magandang balikan ang sinabi ni Pope Francis sa mga mananampalataya sa bansang Peru nang dumalaw siya roon noong Enero ngayong taon. Katulad dito sa Pilipinas, umiiral din doon ang tinatawag na “machismo” o ang pananaw na nakahihigit ang lalaki kaysa sa babae na siya namang pinag-uugatan ng karahasan laban sa kababaihan. Kinundena ng Santo Papa ang ganoong kultura: “Violence against women cannot be treated as ‘normal,’ maintaining a culture of machismo blind to the leading role that women play in our communities.” Hindi dapat maging pangkaraniwan ang karahasan laban sa mga babae at ang pananatili ng kultura kung saan nakikita silang mas mababa kaysa sa mga lalaki. Dapat nating iwaksi ang pananaw na bulag sa papel ng mga babae sa ating pamayanan at bayan. Nakalulungkot lamang na dito sa atin, mga lider pa natin ang unang-unang bumabastos sa mga babae.
Mga Kapanalig, hindi nilikha ng Diyos ang babae—o ang sinumang tao—upang pagmalupitan at abusuhin. Anuman ang ating kasarian, magkakatuwang tayo sa pagsasakatuparan ng plano ng Diyos sa mundong kanyang nilikha para sa ating lahat. Magkakatuwang tayo sa pagbubuo ng lipunang maunlad, at mangyayari lamang ito kung bawat isa sa atin, sa munti nating paraan, ay magkakapit-bisig upang labanan ang karahasan laban sa kababaihan. VAW-free community starts with me.
Sumainyo ang katotohanan.