962 total views
Inihayag ng pinunong lingkod ng Diyosesis ng Tagbilaran na dapat magkaisa ang mananampalataya sa paghikayat sa kabataan na maging bahagi sa misyon ng Simbahan na pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Sa pagninilay ni Bishop Alberto Uy sa pagdiriwang ng Taon ng mga Kabataan, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga kabataan sa Misyon ng Simbahang Katolika lalo na sa kapwa kabataan.
“Ang katawhan sa Diyos gidasig nga magpakabana sa kabatan-onan, dasigon nga muapil sa misyon sa simbahan, sila usab mahimong tigsangyaw ngadto sa ilang isig kabatan-on. [Ang sambayanan ng Diyos ay hinimok na pahalagahan ang mga kabataan, hikayatin silang makiisa sa Simbahan at maging misyonero sa kanilang kapwa kabataan.]” bahagi ng pagninilay ni Bishop Uy.
Ayon pa sa Obispo, dapat maunawaan ng mga kabataan kung paano at gaano kalaki ang pagmamahal ng Diyos sa bawat bata upang mahubog ang kanilang kaisipan sa dakilang pag-ibig ng Diyos.
Binigyang pansin ni Bishop Uy ang kalinga ng Simbahang Katolika sa mga kabataan sa pamamagitan ng Parish Youth Ministry kung saan hinuhubog ang mga ito sa pamumuhay na nakasusunod sa mga turo ng Panginoon.
Bukod dito, hinikayat ni Bishop Uy ang sambayanang Kristiyano na gabayan ang mga kabataan upang gamitin ang kanilang talento at kalakasan sa pagiging bahagi ng pamayanan.
Batay sa tala sa mahigit 80 porsiyentong Katoliko sa kabuuang populasyon ng Pilipinas, halos 20 porsiyento dito ay mga kabataang may edad 15 hanggang 24 na taong gulang.
Ang pagdiriwang ng Year of the Youth ng Simbahang Katolika sa 2019 ay bilang paghahanda sa ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na ipagdiriwang sa 2021.