407 total views
Mga Kapanalig, inilabas noong nakaraang linggo ng news agency na Reuters ang isang special report tungkol sa giyera kontra droga ng ating pamahalaan. Ito ay batay sa mga impormasyong ibinunyag ng dalawang pulis—isang retiradong intelligence officer at isang kasalukuyang nasa serbisyo—sa isinulat nilang report na pinamagatang “State-Sponsored Extrajudicial Killings in the Philippines”.
Inamin ng dalawang pulis ang di-umano’y pagtanggap ng pera ng ilan nilang kasamahan sa tuwing may mapapatay silang drug suspects. Binabayaran din daw sila upang magtanim ng ebidenysa upang palitawing gumagamit o nagtutulak ng iligal na droga ang kanilang pinapatay. Kahit ang mga vigilante killings ay kagagawan din daw ng mga pulis at binabayaran sila para gawin ang mga ito. Mababa ang sampung libong pisong bayad sa bawat drug suspect na kanilang maitutumba.
Hindi lamang mga drug suspects ang ipinapapatay sa kanila. Target din nila ang mga suspek sa panghahalay, mga miyembro ng mga gang sa mga komunidad, mga manginginom, at iba pang taong sanhi ng gulo sa kanilang lugar. Ang pagtatanim ng ilang gramo ng droga o ng baril sa tabi ng katawan ng pinatay nila ay paraan upang palitawing sa lehitimong operasyon ng pulis namatay ang mga taong ito. May mga kasapi pa raw ng Davao Death Squad na ipinasasama sa mga pulis upang gawin ang tinaguriang “social cleansing” o pagpatay sa mga itinuturing na salot sa lipunan.
Dagdag ng Reuters, ang pagbubunyag ng dalawang pulis ay bunsod ng kanilang pagkabahala sa dumaraming bilang ng mga pinapatay sa mga mahihirap na lugar. Binigyan na ng kopya ng buong report ang ilang lider ng ating Simbahan at ang Commission on Human Rights. Gaya naman ng inaasahan, pinabulaanan ng Palasyo at ng PNP ang nasabing ulat, at tinatawag itong gawa-gawa lamang ng international media agencies.
Ang ulat ng Reuters ay kabilang sa marami na nating narinig na kuwento tungkol sa pagkakasangkot ng pulis sa krimeng kaugnay ng giyera kontra droga ng pamahalaan. Kung mapatutunayang totoo, malaking dagok ito sa ating mga kapulisang inatasan natin ng tungkuling tiyakin ang kaligtasan ng lahat sa paraang naaayon sa batas. Wala sa mandato ng mga nakaluklok sa kapangyarihan na basta-basta na lamang bawian ng buhay ang sinuman, inosente man o hindi.
Mahigit isang siglo na ang nakalipas nang kilalanin ng Santa Iglesia, sa pamamagitan ni Pope Leo XIII, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga taong pamamahalaan ang mga mamamayan upang igiya sila tungo sa pagkamit ng kabutihan ng lahat. Tungkulin nilang pasunurin ang mga mamamayan sa mga batas at patakaran para sa maayos na takbo ng lipunan. At may mga kaparaanan din dapat upang ituwid ang mga gawaing labag sa batas. Ngunit, sa kabilang banda, hindi saklaw ng mga nakaluklok sa kapangyarihan ang malayang pagpapasiya o free will ng mga indibidwal.[1] Hindi nila dapat gamitin ang kanilang awtoridad upang kitilin ang kalayaan ng mga mamamayan, lalo na ang bawiin ang kanilang buhay.
Malinaw, mga Kapanalig, na ang paggamit at pagtutulak ng iligal na droga ay labag sa batas, at may mga karampatang parusa para sa mga taong gumagawa nito. Ngunit may limitasyon ang kapangyarihan ng pamahalaan. Sa pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng ating kapulisan, kailangang sikapin nilang pangalagaan ang kasagraduhan ng buhay. Hindi nito dapat patungan ng presyo ang buhay ng isang tao na parang materyal na bagay na may katumbas na halaga. Ang buhay ay sagrado sapagkat ito ay kaloob ng Diyos. Walang sinuman, kahit ang pamahalaan o kapulisan, ang hindi saklaw ng utos na, “Huwag kang papatay.”
Mga Kapanalig, bilang mga Katoliko at Pilipino, dapat nating tiyaking napapanagot sa batas ang mga tao, pulis man o hindi, na pumapatay ng kanilang kapwa. Ang pamahalaan at ang kapulisan ay nariyan upang magbigay proteksyon, hindi upang maghasik ng karahasan at pumaslang.
Sumainyo ang katotohanan.
[1] Diuturnum (Encyclical of Pope Leo XIII on The Origin Of Civil Power) #11.
Mga Kapanalig, inilabas noong nakaraang linggo ng news agency na Reuters ang isang special report tungkol sa giyera kontra droga ng ating pamahalaan. Ito ay batay sa mga impormasyong ibinunyag ng dalawang pulis—isang retiradong intelligence officer at isang kasalukuyang nasa serbisyo—sa isinulat nilang report na pinamagatang “State-Sponsored Extrajudicial Killings in the Philippines”.
Inamin ng dalawang pulis ang di-umano’y pagtanggap ng pera ng ilan nilang kasamahan sa tuwing may mapapatay silang drug suspects. Binabayaran din daw sila upang magtanim ng ebidenysa upang palitawing gumagamit o nagtutulak ng iligal na droga ang kanilang pinapatay. Kahit ang mga vigilante killings ay kagagawan din daw ng mga pulis at binabayaran sila para gawin ang mga ito. Mababa ang sampung libong pisong bayad sa bawat drug suspect na kanilang maitutumba.
Hindi lamang mga drug suspects ang ipinapapatay sa kanila. Target din nila ang mga suspek sa panghahalay, mga miyembro ng mga gang sa mga komunidad, mga manginginom, at iba pang taong sanhi ng gulo sa kanilang lugar. Ang pagtatanim ng ilang gramo ng droga o ng baril sa tabi ng katawan ng pinatay nila ay paraan upang palitawing sa lehitimong operasyon ng pulis namatay ang mga taong ito. May mga kasapi pa raw ng Davao Death Squad na ipinasasama sa mga pulis upang gawin ang tinaguriang “social cleansing” o pagpatay sa mga itinuturing na salot sa lipunan.
Dagdag ng Reuters, ang pagbubunyag ng dalawang pulis ay bunsod ng kanilang pagkabahala sa dumaraming bilang ng mga pinapatay sa mga mahihirap na lugar. Binigyan na ng kopya ng buong report ang ilang lider ng ating Simbahan at ang Commission on Human Rights. Gaya naman ng inaasahan, pinabulaanan ng Palasyo at ng PNP ang nasabing ulat, at tinatawag itong gawa-gawa lamang ng international media agencies.
Ang ulat ng Reuters ay kabilang sa marami na nating narinig na kuwento tungkol sa pagkakasangkot ng pulis sa krimeng kaugnay ng giyera kontra droga ng pamahalaan. Kung mapatutunayang totoo, malaking dagok ito sa ating mga kapulisang inatasan natin ng tungkuling tiyakin ang kaligtasan ng lahat sa paraang naaayon sa batas. Wala sa mandato ng mga nakaluklok sa kapangyarihan na basta-basta na lamang bawian ng buhay ang sinuman, inosente man o hindi.
Mahigit isang siglo na ang nakalipas nang kilalanin ng Santa Iglesia, sa pamamagitan ni Pope Leo XIII, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga taong pamamahalaan ang mga mamamayan upang igiya sila tungo sa pagkamit ng kabutihan ng lahat. Tungkulin nilang pasunurin ang mga mamamayan sa mga batas at patakaran para sa maayos na takbo ng lipunan. At may mga kaparaanan din dapat upang ituwid ang mga gawaing labag sa batas. Ngunit, sa kabilang banda, hindi saklaw ng mga nakaluklok sa kapangyarihan ang malayang pagpapasiya o free will ng mga indibidwal. Hindi nila dapat gamitin ang kanilang awtoridad upang kitilin ang kalayaan ng mga mamamayan, lalo na ang bawiin ang kanilang buhay.