341 total views
Ibinahagi ng tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila na ang paghuhugas ng paa ay pagpapakita ng kababaang loob at paglilingkod sa kapwa.
Sa pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo sa Misa sa Huling Hapunan na ginanap sa Manila Cathedral nitong Huwebes Santo, Abril 1 sinabi nitong ang mahalagang tularan ang pagiging mapagkumbaba ni Hesus sa kabila ng pagiging makapangyarihan.
“Ang kapangyarihan ay ginamit niya [Hesus] hindi upang siya ay paglingkuran at pahalagahan kundi upang mag serve sa iba tulad ng pagsi-serve ng isang mababang alipin,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Bilang paggunita ngayong taon sa Year of Missio Ad Gentes at 500 Years of Christianity hinugasan ni Bishop Pabillo ang apat na indibidwal bilang kinatawan ng iba’t ibang sektor at pagkilala sa mga misyonerong nagpapalaganap ng kristiyanismo.
Kabilang sa mga hinugasan ay sina Fr. Geoffrey Eborda Jr., OSA na kumakatawan sa Agustinong kongregasyon ang unang misyonero na nagpalaganap ng mabuting balita sa bansa noong ika- 15 siglo.
Si Ruzzel Ramos naman na isang katekista mula sa St. John Bosco Parish, Tondo ang kumakatawan sa mga magulang, guro at iba pang indibidwal na nagtuturo ng pananampalataya sa mga susunod na henerasyon.
Si Romain Garry Lazaro naman na kawani ng Manila Cathedral ay kumakatawan sa mga misyonerong naglilingkod sa social media ministry na katuwang ng simbahan sa paghahatid ng mga gawaing simbahan sa mamamayan ngayong mahigpit na ipinagbawal ang mass religious gatherings.
Panghuli naman si Sr. Venus Marie Pegar, SFX mula sa Sisters of St. Francis Xavier na itinatag ni Bishop Alexandre Cardot ng Rangoon (Yangon) Myanmar bilang pakikiisa ng mga Pilipino sa dinaranas na karahasan at kaguluhan sa naturang bansa sa pakikibaka sa demokrasya.
Sa huli hinikayat ni Bishop Pabillo ang bawat mananampalataya na tularan si Hesus na nakahandang paglingkuran ang kapwa. “Si Hesus ay nag-alay ng sarili kaya dapat din tayong mag-alay ng ating sarili para sa ating kapwa,” ani Bishop Pabillo