74,457 total views
Narinig niyo na ba ang salitang “water stress,” kapanalig?
Ang water stress ay isang seryosong isyu na kinakaharap ng ating mundo ngayon. Malalim ang epekto nito sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ang water stress ay ang sitwasyon kung saan ang demand o pangangailangan sa tubig ay higit pa sa suplay na kayang ibigay ng mga yamang tubig sa isang lugar.
Ayon sa UNICEF, mahigit pa sa 4 billion katao ang nakakaranas ng water scarcity o kakulangan sa tubig isang buwan kada taon. Mahigit pa sa 2 bilyong tao ang nakatira naman sa mga bansa kung saan kulang naman ang suplay ng tubig. Tinatayang kalahati ng global population ay makakaranas ng water scarcity pagdating ng 2025.
Maraming mga salik o factors ang water stress. Maaaring kulang ang ulan, o contaminated ang water sources. Maaari ring salik ang kakulangan sa infrastructure at ang maling water governance at management. Sa ating bansa, ang problemang ito ay nagiging mas malala, lalo na sa mga urbanisadong lugar tulad ng Metro Manila, kung saan mabilis ang paglobo ng populasyon at mabagal makahabol ang imprastraktura.
Malawak at malalim ang epekto ng water stress. Halimbawa, sa sektor ng agrikultura na isa sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa ating bansa, ang kakulangan sa tubig ay nagpapababa ng produksyon at nagpapalugi sa magsasaka. Nagiging sanhi din ito ng pagtaas ng presyo ng bilihin ng agricultural products at ng food insecurity. Malalim din ang epekto ng water stress sa kalusugan ng tao. Kapag walang tubig, walang sanitasyon, na pangunahing contributor sa pagkalat ng mga sakit, gaya ng diarrhea at cholera.
Kapanalig, hindi porket napapalibutan tayo ng katubigan ay nangangahulugan na marami at tuloy tuloy ang suplay ng ating tubig. Simula 2017, nakakaranas na tayo ng water stress. Noong 2020, 1,300 m3 per capita ang naging national water availability, mas mababa sa per capita threshold for water stress na 1,700 m3.
Upang ating matugunan ang isyu na ito, kailangan natin harapin ang mga hamon sa ating water supply. Ilan sa mga ito ay ang pagkasira ng ating mga watersheds. Sa ngayon, 11 sa 18 ng ating mga river basins ay may 20% forest cover na lang. Ang water pollution din ay isa sa mga hamon. 43% ng ating mga ilog ay polluted ng domestic sewage pati ng agricultural waste. Ilan lamang ito sa mga dapat nating agarang bigyan ng lunas upang matugunan ang isyu ng water stress sa Pilipinas.
Kailangan natin ng komprehensibong aksyon upang ating mapangalagaan ang ating water resources at matiyak ang water supply sa ating bansa, hindi lang ngayon, kundi sa hinaharap. Kailangan nating tutukan ang tamang pamamahala, at kasama dito ang pagpapatupad ng mga polisiya na nagtataguyod ng water conservation, wastong paggamit ng tubig, pati na ang pagpapalawak ng mga programa sa reforestation na makakatulong sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng tubig. Kailangan din aware ang publiko dito at ang mga posibleng epekto ng water stress sa kanilang pang-araw-araw na buhay, upang lahat tayo ay maging magkasangga sa pag-aalaga ng ating mga water resources. Mainam na maalala natin ang mga kataga mula sa Economic Justice for All, mula sa mga US Catholic Bishops. Nawa’y mapukaw nito ang ating isip at itulak tayong kumilos: “The misuse of the world’s resources betrays the gift of creation since whatever belongs to God, belongs to all.”
Sumainyo ang Katotohanan.