14,201 total views
Nagpapasalamat ang Most Holy Redeemer Parish – Masambong, Quezon City sa pamunuan ng Radio Veritas at Caritas Manila, sa tulong na ibinahagi para sa mga biktima ng Bagyong Carina at Habagat.
Ayon kay Parish Administrator, Fr. Edwin Peter Dionisio, OFM, na isa rin sa mga priest anchor ng programang Barangay Simbayanan ng himpilan, na 400 relief goods ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya at indibidwal ng Kaingin Bukid, Barangay Apolonio Samson.
“Sa ngalan po ng parokya ng Most Holy Redeemer Parish – Masambong, taos puso po kaming nagpapasalamat… Nakapagbigay po ng 400 packs na relief goods ang Caritas Manila sa pamamagitan din po ng ating radio station, ang Veritas 846,” pahayag ni Fr. Dionisio sa Barangay Simbayanan.
Nagagalak naman si Fr. Dionisio dahil bukod sa pagbabahagi ng makabuluhang impormasyon ay bahagi rin ng misyon ng himpilan ang pagtulong at pagtugon sa higit na nangangailangan katuwang ang social arm ng Archdiocese of Manila.
“I’m very proud na ang ating station ay hindi lamang tayo nagbo-broadcast, kundi tumutulong tayo directly sa mga naapektuhan. So, maraming salamat, Fr. Roy Bellen at gayundin kay Fr. Anton. Pascual,” saad ni Fr. Dionisio.
Kamakailan lamang ay nagsagawa rin ng relief operations ang Radio Veritas at Caritas Manila sa 150-katutubong Aeta ng Brgy. Buhawen, San Marcelino, Zambales.