63,328 total views
Mga Kapanalig, ngayon ay World Humanitarian Day.
Paano nagsimula ito?
Sa araw na ito noong Agosto 2003, o mahigit dalawang dekada na ang nakaraan, 22 na humanitarian aid workers ang nasawi sa pambobomba sa United Nations Headquarters sa Baghdad, Iraq. Limang taon pagkatapos ng trahedyang iyon, idineklara ng United Nations General Assembly ang ika-19 ng Agosto bilang World Humanitarian Day. Taun-taon, binibigyang-pugay natin ang mga humanitarian workers na naghahatid ng tulong upang makapagligtas ng buhay at maibsan ang paghihirap ng mga apektado ng mga kalamidad, digmaan, at iba pang krisis. Marami sa kanila ang nagsasakripisyo ng buhay habang nasa line of duty. Patuloy din ang paglabag sa international humanitarian law na naglalayong protektahan ang mga inosenteng sibilyan at aid workers, lalo sa mga mga lugar na may kaguluhan.
Ayon sa Aid Worker Security Database, halos 600 aid workers ang naging biktima ng mga pag-atake noong 2023—280 ang nasawi, 244 ang nasugatan, at 91 ang kinidnap. Mahigit kalahati ng mga kaso ng pagpatay ay nangyari sa unang tatlong buwan lang ng giyera sa Gaza, at karamihan sa mga ito ay dahil sa airstrikes na ginagawa ng Israel. Ang taóng 2023 na nga ang pinakamadugong taon para sa mga humanitarian workers. Noong 2022 naman, ang South Sudan ang pinakamapanganib na bansa para sa kanila kung saan umabot sa 185 ang kinidnap. Ngayong taon, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, halos 200 humanitarian workers na ang nasawi sa buong mundo. Karamihan sa kanila ay local actors o mga humanitarian workers na mula mismo sa mga apektadong komunidad.
Noong Abril, muling nanawagan si Pope Francis ng agarang ceasefire sa Gaza Strip matapos mapatay ang pitong aid workers ng World Central Kitchen, isang humanitarian organization na naghahatid ng pagkain sa mga bansang nasa gitna ng digmaan. Ayon sa organisasyon, sa kabila ng pakikipag-ugnayan nila sa militar ng Israel para sa paghahatid ng relief assistance, inatake pa rin daw ng Israeli Defense Forces (o IDF) ang kanilang mga kasamahan. Pahayag ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu, hindi sinasadyang matamaan ng IDF ang mga inosenteng tao. Karaniwang nangyayari daw ito sa digmaan; collateral damage, kumbaga. Iimbestigahan daw nila ang insidenteng ito.
Isa sa mga nasawi ang Katolikong mula sa Poland na si Damian Soból. Ayon sa kanyang kaibigan, nakilahok na rin si Damian sa humanitarian efforts sa Ukraine. Wala raw siyang kinakatakutan at handang tumulong kahit kanino, kahit pa buhay ang maging kapalit. Napakarami pang mga Damian sa buong mundo—mga bayaning gaya ni Kristo na inialay ang buhay para sa iba.
Sa araw na ito, iniimbitahan tayong kilalanin ang mga humanitarian aid workers na nagserbisyo o patuloy na nagseserbisyo sa kabila ng panganib. Alalahanin natin ang mga nagsakripisyo ng kanilang buhay para makapaghatid ng tulong sa mga pinakanangangailangan. Hindi lang sila mga numero o istatistika sa mga ulat. Hindi lang sila collateral damage sa madugong giyerang sinimulan ng mga kumamkam ng kapangyarihan. Sila ay mga indibidwal na may pamilya, may mga pangarap, may pusong handang tumulong sa kapwa. Sila ay mga indibidwal na nagserbisyo hanggang sa huling hininga upang makamit ng mundo ang kapayapaan.
Mga Kapanalig, gaya ng mensahe ni Pope Francis sa World Humanitarian Day noong 2021, taliwas sa pagiging Kristiyano ang manatiling walang malasakit at walang pakialam sa paghihirap ng napakarami nating kapatid na apektado ng iba’t ibang krisis. Makiisa tayo sa panawagan ng ceasefire sa mga lugar na winawasak ng digmaan. Ipanawagan natin ang pagpapalaya sa lahat ng hostages. Ipanawagan natin ang hustisya at pagpapanagot sa mga nagpapairal ng karahasan. Ipagdasal nating manaig ang kapayapaan, gaya ng wika sa Levitico 26:6.
Sumainyo ang katotohanan.