5,376 total views
Nagpahayag ng suporta ang Commission on Human Rights (CHR) sa naisabatas na Republic Act No. 12006 o tinatawag din na “Free College Entrance Examination Act” na naglalayong gawing libre ang college entrance examination sa mga pribadong higher educational institutions (HEIs) para sa mga kuwalipikadong mag-aaral.
Ayon sa komisyon, malaking tulong para sa bawat pamilyang Pilipino ang batas upang mabawasan ang pinansyal na pasanin na maituturing din na isang pambihirang pagkakataon para sa mga kabataan na walang pinansyal na kakayahan na makakuha ng pagkakataong makapag-aral sa mga pribadong institusyon sa bansa.
“The Commission believes that this law will not only reduce the burden on Filipinos’ finances but will also open doors and opportunities for young people who do not have enough resources to access education, particularly in private higher education institutions (HEIs).” Bahagi ng pahayag ng CHR.
Kinilala rin ng CHR ang pagsusumikap ng mga mambabatas na mabigyan ng patas at pagkakataon ang bawat kabataan na magkaroon ng kaledad na edukasyon sa pamamagitan ng mga batas na nagsusulong sa patas na karapatan ng bawat kabataang makapag-aral sa kabila ng anumang antas sa lipunan, kulturang pinagmulan at relihiyon na pinaniniwalaan.
Giit ng komisyon, naaangkop lamang na pagtuunan ng pansin at iprayoridad ng mga halal na opisyal ng bayan ang kapakanan ng mga maliliit at mahihirap na sektor ng lipunan kabilang na ang mga mahihirap o mga dukha na kadalasang naisasantabi dahil sa kanilang estado sa buhay.
Kaugnay nito umaasa ang CHR na magkaroon pa ng mas malawak at makabuluhang mga programang pang-edukasyon sa bahagi ng mga private higher education institutions (HEIs) tulad ng mga scholarship at libreng matrikula upang mabigyang ng pagkakataon makapag-aral ang mga kuwalipikadong mag-aaral.
“Moreover, while we commend and acknowledge the waiver of college entrance exam fees, we also advocate for the establishment of more robust scholarship programs in private HEIs so students will have greater opportunities to pursue and complete their college education without the burden of financial limitations.” Dagdag pa ng CHR.
Sa ilalim ng batas, inaatasan ang mga private HEIs na hindi na sila sisingilin sa entrance examination fees at charges para sa college admission ang mga kapuspalad ngunit matatalinong mga mag-aaral kung saan kabilang sa mga kwalipikasyon ay dapat na natural-born Filipino citizen ang isang mag-aaral; mula sa top 10% ng graduating class; at mula sa pamilya na nasa ilalim ng poverty threshold o walang kakayahang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kaugnay nito nasasaad sa Article XIV, Section 1 of the 1987 Constitution gayundin sa Article 26, Section I of the Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na bahagi ng mandato ng estado na protektahan at itaguyod ang patas na karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa pagkakaroon ng kalidad na edukasyon.
Binibigyang diin naman sa panlipunang turo ng Simbahan na isa sa pangunahing karapatan ng bawat kabataan ang edukasyon, upang maayos na mahubog ang kanilang kamalayan at malinang ang kaalaman na kanilang kakailanganin sa hinaharap.