7,566 total views
Mapayapang nailibing ang labi ng 18-biktima ng extra judicial killing sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ‘Dambana ng Paghilom’ ng Arnold Janssen Foundation sa La Loma cemetery sa Caloocan City.
Ayon kay AJF President at Founder Father Flavie Villanueva, SVD., kasabay nito ang magandang balita para sa pamilya ng mga biktima ng war on drugs,ang pagkaaresto kay Duterte na simbolo ng paghahari ng liwanag laban sa kasamaan.
Umaasa ang Pari na hindi na maulit pa sa Pilipinas ang mga kaparehong pangyayari kasabay ng paanyaya sa mga Pilipino na gamitin itong pagkakataon upang patuloy na maglakbay sa buhay dahil sa kabila ng mga suliranin ay makakamtan ang katarungan ang kalayaan.
“Munting mensahe sa ating mga nanay, sa mga lola, sa mga pamilya nang biniktima ay gaya ng pagkalugmok natin sa dilim yung pagkaaresto ni Duterte ay sagisag na ang dilim ay mapapawi nang liwanag, hindi kailanman at hindi magtatagal ang dilim at dito lumalakad tayo paabante, upang makamtam natin yung isang mahalagang hugis ng katarungan na ating inasam simula na nagkaroon ng ganitong klaseng bangungot na ang tawag ay Duterte,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Villanueva.
Paalala ng Pari sa naiwang pamilya ng mga biktima ng EJK na kasama nila ang simbahan sa anumang hamon na maaring kaharapin sa buhay.
Iginiit ng Pari na sinumang naghihirap sa lipunan ay nilalapitan ng Panginoon sa pamamagitan ng simbahan na handang umagapay at tulungan ang nasasadlak sa kahirapan, mga biktima ng kasamaan, kasiman at kadiliman.
“Huwag nating kalimutan ang pananampalataya ay hindi lang isang hugis, ang pananampalataya ay nagsisimula sa- pero umaabot lalo’t higit sa mga mahihirap, ang pananampalataya ay isinasabuhay lalong higit kung may naghihirap, namatayan, ang mga pinatayan at mga taong walang kakayanang magsalita, for Sure the church has a prophetic voice na prophetic mission to live, let us live this mission just as Christ did, wag tayong magpatinag, natinag na tayo nang ilang panahon noong panahon ni Duterte, tuldukan na natin itong takot na ito at tayo ay tumayo, tumindig at maging tinig ng mga walang tinig,” bahagi pa ng panayam ni Fr.Villanueva sa Radio Veritas.
Taong 2016 ng itatag ng Arnold Janssen Foundation sa pangunguna ni Fr.Villanueva ang Program Paghilom na ngayon ay kinakalinga ang may 370-pamilya ng mga EJK Victims.
May 2024 ng pormal na isapubliko at italaga ang Dambana ng paghilom bilang kauna-unang EJK Memorial Site para sa mga biktima ng War On Drugs Campaign ni Duterte.