9,848 total views
Kinundena ng EcoWaste Coalition ang patuloy na pagbebenta ng mga nakalalasong pampaputing produkto na may mataas na antas ng mercury sa nangungunang shopping mall sa Taguig City.
Bilang paggunita sa International Women’s Day at World Consumer Rights Day, muling bumisita ang grupo sa nasabing mall upang suriin at tiyakin ang pagsunod ng mga tindahan sa mahigpit na pagbabawal sa mga kosmetikong may mercury—na lubhang mapanganib sa kalusugan.
Ayon kay EcoWaste national coordinator Aileen Lucero, mahalagang ipatupad ang batas upang mapangalagaan ang mga kababaihan, bata, at iba pang mahihinang sektor mula sa masamang epekto ng mercury.
Hinihikayat ni Lucero ang pamahalaang lungsod ng Taguig at ang Food and Drug Administration (FDA) na magkaisa sa pagpapatupad ng pagbabawal sa mga mapanganib at nakalalasong produkto.
“To safeguard the health of women and other vulnerable groups, children in particular, from the adverse effects of mercury exposure, and to uphold the right of consumers to be protected against products that are hazardous to health and life, we appeal to the Taguig City Government and the Food and Drug Administration (FDA) Regional Field Office for the National Capital Region to join forces to enforce the ban on mercury cosmetics in Taguig City and the rest of the metropolis,” ayon kay Lucero.
Sa ilalim ng ASEAN Cosmetic Directive, ang mercury bilang heavy metal contaminant ay hindi dapat lumagpas sa one (1) ppm.
Sa isinagawang test buy, nakabili ang EcoWaste Coalition ng apat na produktong matagal nang ipinagbawal ng FDA, kabilang ang Goree Gold 24K Beauty Cream na may 31,010 ppm, Goree Beauty Cream with Lycopene na may 29,110 ppm, Goree Day & Night Beauty Cream na may 28,090 ppm, at 88 Total White Underarm Cream na may 2,006 ppm.
Ayon sa FDA at World Health Organization, ang mercury sa pampaputing produkto ay maaaring magdulot ng pagkairita sa balat, pamumula, pantal, at maging ng matinding karamdaman sa bato, utak, at nervous system, gayundi’y maaaring makapinsala sa sanggol sa sinapupunan.
Patuloy namang panawagan ng EcoWaste Coalition sa mga kinauukulan na higpitan ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa mga produktong may mercury upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Nakasaad sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan na ang kita ng isang mamumuhunan ay katanggap-tanggap basta’t hindi nakasasama sa kalusugan ng tao at kalikasan.