9,600 total views
Binisita ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Pasay City Jail noong March 11 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Simbahan sa Taon ng Hubileyo.
Sa pagninilay sa banal na Misa, ibinahagi ni Cardinal Advincula ang mensahe ng pag-asa, pagbubukas ng puso, at pananalig sa Diyos.
Ikinuwento ng kardinal ang makahulugang pagbubukas ni Pope Francis ng Hubileyo ng Pag-asa sa isang bilangguan sa Roma—isang simbolo hindi lamang ng pagbubukas ng pinto kundi ng puso sa awa at pagmamalasakit.
“Makahulugan ang larawan ng pagbubukas ng pinto, ngunit higit na mahalaga ang kahulugan nito—ang pagbubukas ng ating mga puso. Bukas na puso. At ito ang nagbubuklod sa atin bilang magkakapatid. Hadlang sa pakikipagkapwa ang mga pusong sarado, ang pusong nagmamatigas. Kaya naman, ang biyaya ng hubileyo ay ang pagbubukas ng ating mga puso sa pag-asa—ang pag-asa sa awa ng Diyos na hindi tayo kailanman bibiguin,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Binigyang-diin din ni Cardinal Advincula ang lumalaganap na kultura ng “wala akong pakialam,” kung saan inuuna ng tao ang pansariling interes habang naisasantabi ang malasakit sa kapwa at sa Diyos.
Pinaalala rin ng kardinal sa mga PDLs ang diwa ng panalanging itinuro ni Hesus—ang “Ama Namin,” na nagtuturo hindi lamang ng paggalang sa Diyos bilang Ama kundi ng pagturing sa kapwa bilang magkakapatid at ang kahalagahan ng malasakit sa isa’t isa.
“Kaya nga ang panalangin ay bukal ng pag-ibig. Dahil natuklasan natin na mahal tayo ng Diyos, dumadaloy ang pagmamahal na ito sa malasakit sa ating kapwa. Dahil tiyak tayo na sagot ng Diyos ang ating mga pangangailangan, kaya nating sambitin sa panalangin na tayo ang bahala sa kapwa natin,” ayon sa cardinal.
Hinimok naman ni Cardinal Advincula ang mga PDLs na huwag mawalan ng pag-asa, sapagkat habang may pag-asa, may makabuluhang buhay na nagmumula sa pagmamahal ng Diyos at ng kapwa.
Nakatuwang ng kardinal sa pagdalaw sa Pasay City Jail sina Our Lady of Sorrows Parish Parish Priest Fr. Cris Robert Cellan, SSP at attached priest, Fr. Edward Dantis, SSP.
Itinalaga ng Archdiocese of Manila ang Our Lady of Sorrows Parish sa Pasay City bilang Jubilee Church para sa PDLs at kanilang mga pamilya.
Bilang bahagi ng Taon ng Hubileyo, itinakda ang Jubilee of Prisoners sa December 14, 2025, upang bigyang pagkakataon ang mga nakapiit na magnilay at magbagong-buhay.