91,135 total views
Nakakaalarma…
Hindi lamang bumabagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa unang quarter ng taong 2024, sinabayan pa ito ng “job losses” o mataas na bilang ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho.
Sa data ng National Economic Development Authority (NEDA), bumagal ang economic growth ng bansa mula 8.1-porsiyento noong unang quarter ng taong 2022, naging 6.4-percent sa 1st quarter ng taong 2023 at 5.7-porsiyento na lamang sa unang quarter ng 2024.
Ang pagbagal ay pinatunayan ng quarter on quarter Gross Domestic Product (GDP) growth na 3.1-percent sa ikatlong quarter ng taong 2023, naging 1.8-porsiyento sa 4th quarter at 1.3-porsiyento sa unang quarter ng kasalukuyang taon.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, ang mabagal na paglago ng ekonomiya ay sinabayan ng “job losses” o pagbaba ng bilang ng mga may trabaho na naitala sa 1.3-milyon. Mula sa 49.3-milyon na employed noong 2023 ay bumaba ito sa 48-milyon sa unang quarter ng 2024.
Ayon sa IBON Foundation, ang mabagal na economic growth at mahinang “job creations” ay sanhi ng mahina at hindi akmang economic foundations ng Pilipinas. Sa datos na nakalap ng IBON Foundation, naitala ng manufacturing sector ngayong 2024 ang pinakamaliit na share sa GDP sa nakalipas na 75-taon… Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang Agriculture, Forestry at Fishing sector ang may pinakamaliit na ambag sa GDP na 0.4-porsiyento sa unang quarter ng taong 2024 mula sa 2.2-percent noong 2023.
Tinukoy ng IBON ang mabagal na economic growth sa mahinang domestic demand dahil nabawasan ang paggastos ng mga pamilyang Pilipino dahil sa mababang income at mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Kapanalig, nakakahinga ka pa ba? Dahil sa mababang income, nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino na tugunan ang mataas na daily cost of living. Sinabi ng IBON na simula April 2024, ang average minimum wage nationwide ay 441-pesos lamang o 36.5-percent ng 1,208-pesos na average family living wage ng isang manggagawa na mayroong 5-miyembrong pamilya.
Dahil kapos ang kinikita ng mga Pilipino, lumabas sa SWS survey na tumaas sa 14.2-percent ang mga pamilyang Pilipino na dumaranas “involuntary hunger” nitong March 2024 mula sa 12.4-percent noong December 2023. Itinuturing naman ng 46-porsiyento ng mga Pilipino na “poor” o mahirap ang sarili habang 33-percent naman ang nagsabing nasa katamtamang kalagayan.
Nasaan ang pamahalaan? Ano ang tugon ng administrasyon ng Pangulong BBM sa katotohanang ito?
Kapanalig, ipinapaalala sa encyclical ni Pope Leo XIII na “Rerum Novarum” sa mga employer ang responsibilidad na bigyan ng “tamang pasahod at patas na working hours” ang kanilang mga manggagawa. Hinimok din ang mga estado o pamahalaan na i-regulate ang patas at tamang pasahod at working conditions ng mga manggagawa.
Sa liham ni St. Francis Assisi, ipinaunawa ng santo na “Labor was not for profit; rather it was for the sake of example and to repel idleness”.
Sumainyo ang Katotohanan.