164 total views
Nanawagan ang grupong Legal Network for Truthful Elections (LENTE) sa publiko partikular na sa mga volunteer watchers na bantayang mabuti ang transmission o transportation ng SD card A sa canvassing centers.
Ayon kay Atty. Rona Ann Caritos, acting executive director ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) at head ng STEP Coalition Secretariat, ito’y upang maiwasan ang posibilidad na SD card switching.
“Andun po tayo bilang mga partners, instruction namin matapos ang counting, magprint ng ER, isarado ang ballot box, ipadala na ang ibat-ibang election paraphernalia sa election officers yung SD card A na ita-transport papunta sa canvassing centers, munisipyo o City Hall, dapat yun binabantayan dahil may posibibilidad na magkaroon ng SD card switching, kaya lagi naming instruction, bantayan ang paglipat ng SD cards sa canvassing centers.” Pahayag pa ng LENTE executive.
Samantala, nanawagan ang LENTE sa mga opisyal ng mga barangay, pulisya at militar na lumayo sa mga polling precincts.
Ayon kay Atty. Caritos, malaki ang impluwensiya ng kanilang presensiya sa malayang pagboto ng mamamayan.
“Sa mga Brgy. Officials, mga sundalo, mga pulis, pakiusap sa mga botante , sa mga watchers, malaki ang impluwensiya ng presensiya ng mga ito sa loob ng classrooms, bawal na bawal yan sila sa loob kaya dapat sila umalis at lumayo sa mga paraalan dahil nakakaapekto sila sa malayang pagboto ng mga tao.” Pahayag pa ng abogado.
Mahigit 54 milyon ang rehistradong botante ngayong May 9, 2016 elections.