229 total views
Vote buying.
Ayon kay Atty. Rona Ann Caritos, acting executive director of the Legal Network for Truthful Elections (LENTE) at head ng STEP Coalition Secretariat, ito ang pinakamalaking problema ng halalan na laganap pa rin hanggang sa ngayon.
Sinabi ni Atty. Caritos na sa kanilang monitoring, simula pa kagabi, nagsimula na ang pagbili ng boto ng ilang kandidato habang ang iba naman nangangampanya pa rin bagamat tapos na ang campaign period.
Pahayag pa ng LENTE executive, ginagamit din ng ilang kandidato ang mga bata ngayon para sa pamamahagi ng election paraphernalia.
“Pinakamalaking problema ngayon ay yung ‘vote buying’, hindi lang ito nagsimula ngayon, buwan na ito nagsimula, kagabi naggapangan, biglang lumakas ang incident of vote buying, nangangampanya pa rin ang mga kandidato kahit tapos na ang campaign period, yung iba gamit ang mga bata sa pamimigay ng election paraphernalia…” pahayag ni Atty. Caritos sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, maraming pagbabago sa proseso ng Commission on Elections (Comelec) ang hindi na nakarating sa ibaba (ground) dahil sa kulang na oras kabilang na dito na magsisimula ang halalan ng alas 6 ng umaga mula sa dating alas 7 ng umaga kayat ang ibang mga presinto nagbukas ng wala sa tamang oras.
Maliban dito, marami ring mga Vote Counting Machines (VCM) ang nasira kayat nagkaroon ng delay sa halalan sa ilang lugar.
“Maraming VCM na nasira ngayon kaya may mga delay…may misunderstanding sa process, may resolution na late na na-release ang Comelec na hindi napunta sa ground ang information, hindi klaro sa mga stakeholder natin, like yung sa Alabang akala ng mga BEIs 7am ang simula ng botohan eh 6am na pala, kaya nagbukas sila 7 am” pahayag pa ni Atty. Caritos.