465 total views
Sisiyasating mabuti ng Department of Social Welfare and Development ang mga pamilyang nakakatanggap ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon kay DSWD under Secretary for Promotive Programs Malou Turalde, magsasagawa ng programang “Kumustahan” ang DSWD kung saan sorpresa nitong bibisitahin ang mga 4Ps beneficiaries at titingnan ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang pamilya.
Tiniyak ni Turalde na sa Kumustahan ay masusuri ng DSWD kung tunay na nagagamit para sa pag-aaral at sa kalusugan ng mga miyembro ng pamilya ang pinansyal na tulong mula sa 4Ps.
“Kailangan naming palalimin pa yung pagsusuri dyan, at yan yung isa sa aming patuloy na ginagawa, at ngayon nakapasok sa family development session yung pagpapaabot sa kanila ng mensahe, kailangan malinaw sa kanila yung mensahe na yang cash grant na nakukuha ay dapat ginagamit sa pag-aaral at sa kalusugan ng mga grantees,” pahayag ni Turalde sa panayam sa Programang Veritas Pilipinas.
Ayon kay Turalde, sa kasalukuyan ay may 4.4 na milyong kabahayan na ang nasa ilalim ng programa ng 4Ps.
Bagamat nakatutulong sa mahihirap ang pinansyal na kaloob ng programa, tinutulan naman ng ilang Obispo ang karagdagang 600 piso para sa rice subsidy.
Una nang iginiit ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na dapat pairalin ang “Work for Food” upang mahikayat ang mamamayan na paghirapan ang kanilang nakukuhang salapi at maiwasan ang kultura ng katamaran.