164 total views
Nanawagan ang Catholic Bishop Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs na seryosohin ng pamunuan ni President elect Rodrigo Duterte ang mga inilalatag nitong plataporma lalo na ang nationwide liquor ban at no–smoking policy sa bansa.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, chairman ng komisyon, na matagal na niyang adbokasiya na matanggal na ang ganitong bisyo ng mga Pilipino upang makatulong sa kalikasan gayundin at mailayo sa tukso ang mga tao.
“Matagal na yung Clean Air Act ‘yung no smoking. ‘Yan ang matagal ko ng advocacy, no smoking zone, no drinking din, walang bisyo. ‘Yan ang panalangin ko sa buong Batangas, sana una yun na ipatupad ni Duterte sa Batangas at sa buong bansa dahil yan ay matagal ko nang panawagan. Walang sugal, walang bisyo, walang droga marami yan dito dapat tapusin na ‘yan at ako ay pabor dun,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Veritas Patrol.
Nangangamba naman si Archbishop Arguelles na samantalahin naman ng mga tauhan ng bagong pamahalaan ang kanilang kapangyarihan sa pagpapatupad ng alituntunin at ipagsawalang – bahala ang karapatang pantao.
“Maganda basta everything that would help eliminate criminality basta dapat sinsero baka mamaya mag–abuso lang ‘yung mga tauhan niya,” giit pa ng arsobispo sa Radyo Veritas.
Sa tala ng Philippines Statistics Authority o PSA tinatayang 17.3 milyon o halos 28 porsyento ng mga Pilipino ang naninigarilyo na may edad 15 pataas ito ay ayon sa 2009 Global Adult Tobacco Survey (GATS).