201 total views
Nararapat magtaglay ng tunay na kakayahan, may abilidad at makamasa ang mga personalidad na mapipili upang bumuo sa panibagong gabinete ni President-elect Rodrigo Duterte.
Ito ang binigyang diin ni UP Diliman Political Science Professor Clarita Carlos kaugnay sa pagsasapubliko ng kampo ni Presumptive President Duterte sa mga pangalan at katauhan ng mga bubuo sa kanyang gabinete.
Paliwanag ni Carlos, dapat na maging mapili ang bagong administrasyon sa mga magiging bahagi at kalihim ng kanyang gabinete na malaki ang gagampanang papel upang maisakatuparan ng bagong Administrasyon ang inaasam na pagbabago nito sa lipunan.
Aniya, malaki ang papel na ginagampanan ng mga miyembro ng gabinete sa sistema ng pagpapatupad ng mga proyekto at programang nakalaan para sa mamamayan.
Kaugnay nito, batay nga sa Article 7 Section 16 ng 1987 Constitution, maaring magtakda o maghirang ang Pangulo ng sinuman upang maging bahagi ng kanyang Gabinete sa pahintulot na rin ng Commission on Appointments.
Batay sa tala ng Office of the President binubuo ng 35 Regular Cabinet Members ang Administrasyong Aquino bukod pa sa 6 na Cabinet-Rank Officials nito.
Una ng inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang bawat Kristiyano ay kinakailangang makisangkot sa mga usaping panlipunan maging pampulitika dahil sa malaking epekto nito sa bayan. Dito, kaakibat na ng usaping pampulitika ang matalinong pagpili ng bawat isa sa mga opisyal ng bayan na ihahal at iluluklok sa katungkulan.