BIYERNES, ABRIL 7, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,852 total reads

Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon

Isaias 52, 13-53, 12
Salmo 30, 2 at 6. 12-13. 15-16. 17 at 25

Ama, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.

Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9
Juan 18, 1-19, 42

Friday of the Lord’s Passion (Red)

UNANG PAGBASA
Isaias 52, 13 – 53, 12

Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias

Sinabi ng Panginoon,
“Ang lingkod ko’y magtatagumpay sa kanyang gawain,
mababantog siya at dadakilain.
Marami ang nagitla
nang siya’y makita,
dahil sa pagkabugbog sa kanya’y
halos di makilala kung siya’y tao.
Ngayo’y marami rin
ang mga bansang magugulantang;
pati mga hari pag siya’y nakita ay matitigilan,
makikita nila ang di nabalita kahit na kailan,
at mauunawa ang di pa narinig ninuman!”

Sagot ng mga tao,
“Sino ang maniniwala sa ibinalita naming ito?
Sino ang makapagpapatunay na pinahihintulutan ito ng Panginoon?
Kalooban ng Panginoon na ang kanyang lingkod
ay matulad sa isang halamang
natanim sa tuyong lupa,
walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
wala siyang taglay na pang-akit para lapitan siya.
Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
Nagdanas siya ng sakit at hirap.
Wala man lang nagtapon ng sulyap sa kanya.
Hindi natin siya pinansin, para siyang walang kabuluhan.
Tiniis niya ang hirap
na tayo ang dapat magbata,
gayun din ang kirot na tayo sana ang lumasap;
akala natin ang dinanas niya’y
parusa sa kanya ng Diyos.
Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya
at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw;
nagkanya-kanya tayo ng lakad.

Ngunit inibig ng Panginoon
na sa kanya ipataw ang parusang
tayo ang dapat tumanggap.
Siya ay binugbog at pinahirapan,
ngunit di tumutol kahit kamunti man;
tulad ay korderong hatid sa patayan,
parang mga tupang
hindi tumututol kahit na gupitan,
ni hindi umimik kahit gaputok man.
Nang siya’y hulihin, hatulan at dalhin sa dakong patayan,
wala mang nangahas na ipagsanggalang,
wala man lang dumamay.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
Siya’y inilibing
na kasama ng masasama at mayayaman,
bagaman wala siyang kasalanan
o nagsabi man ng kasinungalingan.

Sinabi ng Panginoon,
“Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko;
inihandog niya ang sarili
upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran.
Dahil dito’y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya’y maisasagawa ang aking panukala.
Pagkatapos ng pagdurusa,
lalasap siya ng ligaya,
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami
at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.
Dahil dito siya’y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila;
pagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
at nilasap ang kaparusahan ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan
at idinalanging sila’y patawarin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 2 at 6. 12-13. 15-16. 17 at 25

Ama, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.

Sa iyo, O Poon, ako’y lumalapit
upang ingatan mo, nang hindi malupig;
sa mga kamay mo habilin ko’y buhay ko
Tagapagligtas kong tapat at totoo.

Ama, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.

Lahat kong kaaway ay humahalakhak,
pati kapitbahay ako’y hinahamak;
dating kakilala ay nagsisiilag,
kung masalubong ko ay nagsisiiwas.
Nilimot na aking tulad ng namatay,
di na pinapansin, parang yagit lamang.

Ama, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.

Subalit, O Poon, ang aking tiwala
ay sasaiyo, Diyos na dakila!
Sa iyong kalinga, umaasa ako,
laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig na sinumang tao.

Ama, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.

Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
ingatan mo ako’t iyong pagpalain;
iligtas mo ako at iyong sagipin,
tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!
O magpakatatag ang mga nilikha,
lahat ng sa Poon ay nagtitiwala.

Ama, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid:

Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siya tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos, at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.

Noong si Hesus ay namumuhay dito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9

Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.

MABUTING BALITA
Juan 18, 1 – 19, 42

Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, umalis si Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis Cedron at pumasok sa isang halamanan doon. Ang lugar na ito’y alam ni Judas na nagkanulo sa kanya, sapagkat madalas magpunta roon si Hesus at ang kanyang mga alagad. Pumaroon si Judas, kasama ang ilang bantay sa templo at isang pangkat ng mga kawal na padala ng mga punong saserdote at mga Pariseo. May dala silang mga parol, sulo at sandata. Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya’t sila’y sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Hesus na taga-Nazaret,” tugon nila. Sinabi niya, “Ako si Hesus.”

Kaharap nila si Judas na nagkanulo sa kanya. Nang sabihin ni Hesus na siya nga, napaurong sila at nabuwal sa lupa. Muli siyang nagtanong, “Sino nga ba ang hinahanap ninyo?” “Si Hesus na taga-Nazaret,” sagot nila. “Sinabi ko na sa inyong ako si Hesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito,” wika niya. Sinabi niya ito upang matupad ang kanyang salita, “Walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin, Ama.” Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote. Natigpas ang kanang tainga ng aliping yaon na ang pangala’y Malco. Sinabi ni Hesus kay Pedro, “Isalong mo ang iyong tabak! Dapat kong inumin ang kalis ng paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama.”

Si Hesus ay dinakip at ginapos ng mga bantay na Judio at ng pangkat ng mga kawal sa pamumuno ng kanilang kapitan. Siya’y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas na pinakapunong saserdote nang panahong yaon. Si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan.

Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Hesus. Kilala ng pinakapunong saserdote ang alagad na ito, kaya’t nakapasok siyang kasama ni Hesus sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote. Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong saserdote, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto, at pinapasok si Pedro. Si Pedro’y tinanong ng dalaga, “Hindi ba’t isa ka sa mga alagad ng taong iyan?” “Hindi,” sagot ni Pedro.

Maginaw noon, kaya’t nagpabaga ng uling ang mga alipin at mga bantay at tumayo sa paligid ng siga upang, magpainit. Nakihalo si Pedro at nagpainit din.

Si Hesus ay tinanong ng pinakapunong saserdote tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. Sumagot si Hesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla; lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo ng mga Judio. Wala akong sinabing palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo’y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinasabi ko.” Pagkasabi nito, siya’y sinampal ng isa sa mga bantay na naroroon. “Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong saserdote?” tanong niya. Sinagot siya ni Hesus, “Kung nagsalita ako ng masama, patunayan mo! Ngunit kung mabuti ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

Si Hesus na nagagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong saserdote.

Samantala, naroon pa rin si Simon Pedro at nagpapainit. Siya’y tinanong nila, “Hindi ba’t alagad ka rin ng taong iyan?” “Hindi!” sagot ni Pedro. Tinanong naman siya ng isa sa mga alipin ng pinakapunong saserdote, kamag-anak ng lalaking tinigpasan niya ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Hesus sa halamanan?” Muling itinatwa ito ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok.

Mula sa bahay ni Caifas, si Hesus ay dinala nila sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo ng gobernador, upang sila’y huwag maituring na di-karapat-dapat kumain ng Hapunang Pampaskuwa. Kaya’t sa labas sila tinanggap ni Pilato at tinanong, “Ano ang sakdal ninyo laban sa taong ito?” Sumagot sila, “Kung hindi po siya gumawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa inyo.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya, at hatulan ayon sa inyong kautusan.” Sumagot ang mga Judio, “Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Hesus tungkol sa paraan ng kanyang pagkamatay. Si Pilato’y pumasok uli sa palasyo at tinawag si Hesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?’ tanong niya. Sumagot si Hesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Hesus, “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.

Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo kung araw ng Paskuwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” “Hindi!” sigaw nila. “Huwag siya, kundi si Barrabas!” Si Barrabas ay isang tulisan.

Kaya’t ipinakuha ni Pilato si Hesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawang korona, at ipinutong kay Hesus. At sinuutan siya ng balabal na purpura. Isa’t isa’y lumalapit sa kanya at ang wika, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya’y pinagsasampal.

Lumabas uli si Pilato at sinabi sa kanila, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan niya!” At inilabas si Hesus na may koronang tinik at balabal na purpura. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Narito ang tao!” Pagkakita sa kanya ng mga punong saserdote at ng mga bantay, sila’y sumigaw: “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!” Sinabi ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at kayo ang magpako sa kanya. Wala akong makitang kasalanan niya.” Sumagot ang mga Judio, “Ayon sa aming kautusa’y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya’y nagpapanggap na Anak ng Diyos.”

Lalong natakot si Pilato nang marinig ang mga pananalitang ito. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Hesus, “Taga-saan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Hesus. “Ayaw mo bang makipag-usap sa akin?” ani Pilato. “Hindi mo ba alam na maaari kitang palayain o ipapako sa krus?” At sumagot si Hesus, “Kaya mo lamang magagawa iyan ay sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo niyang hinangad na palayain si Hesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar! Sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Cesar.” Pagkarinig ni Pilato sa pangungusap na ito, inilabas niya si Hesus. At siya’y lumuklok sa hukuman, sa dakong tinatawag na “Ang Plataporma.” Gabata sa wikang Hebreo.

Araw noon ng Paghahanda sa Paskuwa at mag-iikalabindalawa na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!” Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!” “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong ni Pilato. Sumagot ang mga punong saserdote, “Wala kaming hari kundi ang Cesar!” Kaya’t si Hesus ay ibinigay sa kanila ni Pilato upang ipako sa krus.

Kinuha nga nila si Hesus. At lumabas siya na pasan ang kanyang krus, patungo sa lugar na kung tawagi’y “Dako ng Bungo,” Golgota sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya’y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa – isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Sumulat si Pilato ng ganitong pangungusap at ipinalagay sa krus: “Si Hesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego at marami sa mga Judio ang nakabasa nito, sapagkat malapit sa lungsod ang dakong pinagpakuan kay Hesus. Kaya’t sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato, “Huwag ninyong isulat na Hari ng mga Judio, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’” Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko’y naisulat ko na.”

Nang maipako na ng mga kawal si Hesus, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hatian ng apat. Kinuha rin nito ang kanyang tunika; ito’y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magsapalaran na lamang tayo para malaman kung kanino ito mauuwi.” Nangyari ito upang matupad ang isinasaad ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking mga kasuotan;
at ang aking damit ay kanilang pinagsapalaran.”

Gayon nga ang ginawa ng mga kawal.

Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Babae, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.

Pagkatapos nito, alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masisip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” Iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Noo’y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila ang Araw ng Pamamahingang ito. Kaya’t hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay. Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Hesus.

Ngunit pagdating nila kay Hesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig. Ang nakakita nito ang nagpapatotoo — tunay ang kanyang patotoo at alam niyang katotohanan ang sinabi niya – upang kayo’y maniwala. Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” At sinabi naman ng ibang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang kanilang inulos.”

Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Hesus. Si Jose’y isang alagad ni Hesus, ngunit palihim nga lamang dahil sa takot sa mga Judio. At pinahintulutan siya ni Pilato; kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay ni Hesus. Sumama sa kanya si Nicodemo, may dalang pabango – mga sandaang libra ng pinaghalong mira at aloe. Siya ang nagsadya kay Hesus isang gabi. Kinuha nila ang bangkay ni Hesus, at nilagyan ng pabango habang binabalot sa kayong lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Sa pinagpakuan kay Hesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGING PANGKALAHATAN

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa ‘yo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

1. Para sa Banal na Simbahan

Namumuno: Idalangin natin, mga mahal kong kapatid, ang banal na Sambayanan ng Diyos sa buong daigdig. Upang pagkalooban ng kapayapaan at pagkupkop, pagkakaisa at pagtataguyod ang mga kaanib nito sa sansinukob at upang tayo’y bigyan ng pamumuhay na matiwasay para tayo’y makasamba sa Diyos Ama nating makapangyarihan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming Makapangyarihan, sa katauhan ng Anak mong si Kristo ipinahayag mo ang iyong kadakilaan sa lahat ng mga tao. Lingapin mong ang iyong mga ginagawa dahil sa pag-ibig upang ang iyong Sambayanang laganap sa buong daigdig ay mamalaging matatag sa pananampalatayang iyong bigay para sambahin ang banal mong ngalan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

2. Para sa Santo Papa

Idalangin natin ang ating Banal na Papa na si N., na hinirang ng Diyos sa hanay ng mga tagapangasiwa upang kanyang bigyan ng kalusugan at mahabang buhay para sa kapakanan ng kanyang banal na Sambayanang ipinagkatiwala para paglingkuran.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, sa iyong kapasyahan umiiral ang sanlibutan. Paunlakan mo ang aming kahilingan na iyong lingapin si Papa N., na iyong hinirang para kami pangasiwaan upang ang Sambayanang Kristiyano na iyong pinamumunuan ay mapamahalaan niya nang may kaunlaran sa pananampalataya at gawang kabutihang iyong inaasahan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

3. Para sa Kaparian at Lahat ng Kaanib ng Simbahan

Idalangin din natin si N., na ating Obispo, gayun din ang lahat ng mga Obispo, mga pari, at mga diyakono at ang tanang kabilang sa Sambayanang Kristiyano.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, ang iyong Espiritu ay nagpapabanal at nagtataguyod sa buong Simbahan. Dinggin mo ang aming pagluhog para sa iyong mga tagapaglingkod upang mapaglingkuran kang matapat sa tulong ng iyong kagandahang-loob sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

4. Para sa mga Inihahandang Tao sa Pagbibinyag

Idalangin din natin ang mga inihahandang tao sa pagbibinyag upang ang kanilang kalooban ay makatugon sa pagtawag ng Diyos Ama nating makapangyarihan para sa tubig ng binyag sila’y muling maisilang sa ikapagpapatawad ng lahat ng kasalanan at sa ikapagkakamit ng pakikisalo kay Hesus na Poong mahal.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, lagi mong pinauunlad ang Sambayanan sa pagkakaroon ng karagdagang kabilang. Sa pananampalataya at pagkaunawa ay magkaroon nawa ng pag-unlad ang mga inihahanda sa pagbibinyag upang sa muli nilang pagsilang bilang binyagan sila’y mapabilang sa mga kaanib ng iyong angkan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

5. Para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano

Idalangin din natin ang lahat ng ating mga kapatid na pawang kay Hesukristo nananalig upang marapatin ng Diyos Ama nating makapangyarihan na sila’y tipunin at lingapin sa iisa niyang Sambayanan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, tinitipon mo ang mga nawalay at tinatangkilik mo ang mga nagkakatipon sa iyong Sambayanan. Lingapin mo ang mga kabilang sa kawan ng iyong Anak na sa iyo itinalaga sa buklod ng iisang binyag upang sila’y magkabuklod sa buong pananalig at sila’y magkapisan sa buklod ng pag-ibig sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

6. Para sa mga Judio

Idalangin din natin ang mga Judio na unang pinagpahayagan ng Diyos na totoo upang ipagkaloob niyang sa pag-ibig sa kanyang ngalan sila ay umunlad sa pagiging matapat sa kanyang tipan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, pinangangatawanan mo ang iyong mga pangako kay Abraham at sa tanang sa kanya ay sumilang. Dinggin mo ang pagluhog ng iyong Sambayanan upang ang mga tao na iyong unang hinirang ay pagindapating sumapit sa kaganapan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

7. Para sa mga di Sumasampalataya kay Kristo

Idalangin din natin ang tanang hindi pa sumasampalataya kay Kristo upang tahakin nila ang landas ng kaligtasan na nililiwanagan ng Espiritu Santo.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, gawin mong ang mga hindi pa nananalig sa iyong Anak ay makatuklas sa katotohanan sa pamumuhay nilang wagas at kaming sa pag-ibig mo ay laging umuunlad sa pagmamalasakit sa tanang sa iyo’y humahanap ay maging mga saksing mapapaniwalaan ng iyong dakilang pag-ibig sa sanlibutan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

8. Para sa mga hindi pa Sumasamapalataya sa Diyos

Idalangin din natin ang mga hindi pa sumasampalataya sa Diyos upang pagindapating sa kanya’y makadulog sa paniniwalang wagas na kanilang sinusunod.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, nilikha mo ang lahat ng mga tao upang lagi kang hanapin at pag natagpuan ka’y masiyahang walang maliw. Ipagkaloob mong kahit may mga di kanais-nais na balakid mabanaagan pa rin ng tanan ang mga pahiwatig ng iyong pag-ibig at matanggap nito ang mga gawang kabutihan ng mga sumasampalataya bilang kaakit-akit na katibayan na ikaw ang Diyos na totoo at Amang aming pinanggalingan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

9. Para sa mga Umuugit sa Pamahalaan

Idalangin natin ang mga may tungkuling maglingkod sa bayan at umuugit sa ating pamahalaan upang ang kalooban nila ay itaguyod ng Amang Maykapal alinsunod sa kanyang kinalulugdan sa ikapagkakamit ng kapayapaan at kalayaan ng tanan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, nasa iyong kamay ang adhika at karapatan ng tanan. Tunghayan mo ang mga umuugit sa aming pamahalaan upang sumagana ang tanan sa sanlibutan sa ikapagkakamit ng kapayapaan at ikapapanatili ng kalayaan na ikaw ay sambahin alinsunod sa iyong loobin sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

10. Para sa mga may Tanging Pangangailangan

Idalangin natin, mga kapatid, sa Ama nating makapangyarihan na ang sanlibutan ay maibsan ng tanang katiwalian, ang mga karamdaman ay malunasan, ang kagutuman ay maparam, ang mga nasa piitan ay lumayang tuluyan, ang mga naaapi ay mahango sa kawalang-katarungan, ang mga naglalakbay ay maluwalhating sumapit sa paroroonan, ang mga nasa ibang bansa ay makauwi sa kanilang bayan, ang mga maysakit ay magkamit ng kagalingan at ang mga nag-aagaw-buhay ay matiwasay na mahimlay.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao, pakiusap ay dinggin mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, binubuhayan mo ng loob ang mga nasa kapighatian, pinatatatag mo ang mga may mabigat na pinapasan. Paunlakan mo ang mga kahilingan ng mga dumaraing dahil sa maraming mga pinagtitiisan upang bawa’t nasa kagipitan ay magkamit ng kasiyahang madama ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

Katiwala

 458 total reads

Sa gitna ng unos, hindi kawalan ng pakialam ang kapanatagan ni Hesus—ito ay bunga ng tiwala. Tiwala sa Ama at tiwala sa mga taong kasama Niya. Ganoon din tayo: hindi lamang tayo tinatawag na magtiwala sa Diyos, kundi alalahaning pinagkatiwalaan din Niya tayo. Ang sangnilikha ay regalong ipinagkatiwala sa atin, kaya ang pag-aalaga sa kalikasan ay bahagi ng ating pananampalataya. Sa bawat unos, piliin nating maniwala, kumilos, at maging mabuting katiwala.

ANG SIMBAHAN SA BANGKA

 589 total reads

Homiliya para sa Bihilya ng Linggo ng Sangnilikha, ika-6 ng Setyembre 2026, Mateo 8:23-27

Ang Misa po natin sa unang Linggong ito ng Setyembre ay itinakda ng CBCP bilang “Creation in Christ” Sunday o “Linggo ng Sangnilikha kay Kristo.”

Napapanahon ang ating mga pagbasa. Magpa-hanggang sa mga araw na ito, matapos ang mahigit tatlong linggo na ng matinding pag-ulan, ang ilang bahagi ng Central Luzon ang nananatili pa rin sa state of calamity. Maraming mga bayan ang lubog sa malalim na tubig-baha na hindi humuhupa. Marami sa mga pamilyang nagsilikas kahit sa mga evacuation centers ay inabot pa rin ng baha. Kaya makaka-relate talaga tayo sa sitwasyon ng mga alagad sa binasa nating Ebanghelyo. Nasa bangka daw sila, kasama si Jesus, nang biglang dumating ang matinding unos. Malakas ang hangin at humahampas ang mga alon sa kanilang bangka. Samantalang si Jesus—natutulog.

Sa takot nila, ginising siya, at ang sigaw nila ay, “Panginoon, iligtas mo kami! Mamamatay na kami!”

Bumangon daw si Jesus, sinaway ang hangin at ang alon, at biglang tumahimik ang dagat. Kaya napatanong ang mga alagad: “Sino ba ang taong ito? Pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya!”
Ang ating ikalawang pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas ang sumasagot sa tanong nila. Sino itong kasama nila sa bangka? Sabi ni San Pablo: Siya ang “larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng nilikha. Sa kanya nilikha ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa. Ang lahat ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. At sa kanya nananatiling buo ang lahat…”

Iyan ang dahilan kung bakit ang tawag din sa araw na ito ay “Feast of Creation in Christ”. Kaya sa nagtatanong kung bakit minabuti ng CBCP na sa unang Linggo ipagdiwang ito imbes na noong araw ng Martes, unang araw ng Setyembre, ang sagot ay— dahil ibig idiin ng CBCP ang koneksyon ng creation (paglikha) kay Kristo. Kay Kristo talaga nakatutok ang bawat Linggo kaya kahit ipagdiwang nang Linggo ang mga pyestang patron, Misang Panlinggo pa rin ang ipinagdiriwang.

Ipinagdiriwang din ng ibang mga kapatid nating Kristiyano sa oriental tradition ang feast of creation bilang unang araw ng simula ng paglikha, nang bigkasin ng Diyos ang mapanlikha niyang Salita: “Magkaroon ng liwanag.” Salitang nakapangyayari. Kaya sa araw na ito, pinagsasama natin ang misteryo ng “creation at redemption”, paglikha at pagtubos, tungo sa bagong paglikha—new creation in the resurrection of Christ.

Di ba’t ganito rin ang isinulat ni San Juan sa kanyang pakbungad na salita (prologue)?

“Nang pasimula ay naroon na ang Salita.

Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.

Ang lahat ng bagay ay nalikha sa pamamagitan niya.”

At pagkatapos: “Ang Salita ay nagkatawang-tao.”

Ibig sabihin, ang Kristong kasama ng mga alagad at natutulog sa bangka, para kay San Mateo, ay ang mismong Salita ng Diyos. Sa pamamagitan niya ay nilalang ang dagat, ang hangin, ang lupa at ang buong sangnilikha. Kaya nang magsalita siya, tumahimik ang unos.

Iugnay natin ngayon ang eksenang bangka ni San Mateo sa isa pang eksenang bangka sa Biblia—sa aklat ng Genesis—ang tinatawag na Noah’s Ark, o ang malaking bangka (o arko) ni Noe.

Nang dumating ang malaking delubyo o baha, inutusan daw ng Diyos si Noe na gumawa ng arko o isang malaking bangka. Pero hindi ito para kay Noe lamang at sa kanyang pamilya. Para din ito sa iba’t ibang uri ng mga hayop na ipinalliligtas sa kanya. Medyo nakukulangan pa nga ako sa kuwento. Sana idinagdag na rin ng awtor na pinag-utusan din si Noe na maglaan din sa loob ng arko ng isang silid para sa koleksyon ng mga binhi ng lahat ng uri ng mga halaman at punongkahoy. Paano mabubuhay ang mga hayop pagkatapos ng baha kung wala nang mga halaman?

Ibig sabihin, ang Arko ni Noe ay hindi lamang bangka para sa kaligtasan ng tao. Dala nito ang mga binhi ng isang bagong paglikha.

Napakagandang larawan din ng arko ni Noe para sa Simbahan. Mula pa noong unang panahon, isa sa mga paboritong larawan ng Simbahan ay ang bangka. Pero kung bangka ang Simbahan, sino ang gustong isakay ng Diyos?

Kung tao lamang ang gusto nating iligtas, hindi po a iyan ang Arko ni Noe. Hindi maaaring ang misyon ng Simbahan ay magligtas lamang ng mga kaluluwa para sa langit habang hinahayaan nating masira ang lupa. Kailangang maisama rin natin sa bangka ang buong sangnilikha.

Tayo ay inilagay ng Diyos sa mundo hindi upang pagharian ito kundi upang pangalagaan ito bilang kanyang mga katiwala. Ang problema, ang mas nabibigyang-diin sa kuwentonng paglikha ay ang dominion, ang kapangyarihan ng tao sa kalikasan: “Have dominion over all other creatures.” Kapag nawawalan na tayo ng pananagutan, ang dominion ay nagiging domination. Ang pangangalaga ay nagiging pang-aabuso at pagsasamantala.

At ngayon, nakikita natin ang epekto. Hindi natin maaaring pag-usapan ang baha na parang tubig lang ang problema. Ang pagbaha, higit sa lahat ay isang ecological issue. Ano ang nangyayari sa ating mga bundok at kagubatan? Sa mga watershed? Sa mga ilog, sapa at latian? Sa mga lugar na dating sumisipsip at sumasalo ng tubig na ginawang mga subdivision at mga bagong siyudad? Ano ang epekto ng climate change sa tindi at pagbuhos ng ulan? Kailangan ang isang ridge-to-reef approach, mula kabundukan hanggang karaagatan.

Pero totoo din naman na ang pag-iwas sa problema ng pagbaha ay isa ring engineering issue. Kailangan din ang mga dike, drainage, pumping stations, dredging at flood-control projects. Pero katulad ng nararanasan natin, wala ring naitutulong ang mga ito kapag hindi naging bahagi ng isang comprehensive master plan para sa ating 18 major river basins sa buong bansa.

At siyempre ang baha ay hindi maihihiwalay sa isyu ng corruption. Sabi nga ni Jesssica Soho—“Hindi pala baha ang magpapalubog sa atin bayan kundi kasakiman.” Kaya sa pinakaugat ng suliraning ito, may political issue—hindi pulitikang naglilingkod sa common good kundi politics of patronage.

Hindi maaaring ang ilog ang mag-adjust sa pulitika. Ang pulitika ang dapat mag-adjust sa siyensya, sa engineering, sa ecology at sa common good. Kung kanya-kanyang proyekto ayon sa kanya-kanyang political interest, huwag tayong magtaka kung bilyon-bilyon ang ginagastos natin sa flood control pero taon-taon ay palala lang nang palala ang baha.

Kaya sabi ng CBCP, ang ecological crisis ay isa nang usapin ng “life and death,” lalo na para sa pinakamahihirap. Ang kailangan natin ay hindi lamang flood control kundi ecological conversion.
Mga kapatid, hindi ba nakapagtataka, na sa kabila ng napakataas na antas ng narating na talino ng tao, hindi pa rin tayo umuunlad? Nariyan na ngayon ang artificial intelligence. Ang taong nilikha ng Diyos ay nakalikha ng isang teknolohiya na ngayon ay nakakatulong para lalo pang palawakin ang kanyang sariling talino at pagkamalikhain. Maaari natin itong tawaging “created creativity.”

Pero may problema. Kung kayang palakasin ng AI ang ating creativity, kaya rin nitong palakasin ang ating pagkagumon sa kapangyarihan—gayundin ang kakayahan nating manira.

Kaya hindi sapat ang talino o intelligence. Higit sa lahat, kailangan natin ng karunungan o wisdom. We Puwede tayong maging napakatalino pero walang karunungang gumalang sa mga bundok, kailugan at karagatan. Puwede tayong gumawa ng artificial intelligence na kayang gamitin ng ating natural intelligence para mandaya, magnakaw at magkamal ng kapangyarihan.

Kaya sa Creation Sunday, ibinabalik tayo sa tanong ng mga alagad tungkol kay Hesus:

“Sino ba ang taong ito?”

Ang sagot: Si Kristo. Sa kanya, sa pamamagitan niya, at para sa kanya nilikha ang lahat. Hindi tayo ang sentro ng sangnilikha kundi si Kristo. Hindi tayo ang may-ari ng sangnilikha. Si Kristo. Hindi nilikha ang mundo para lamang pagkakitaan at pagsamantalahan natin. Sabi ni San Pablo, ang lahat ay nilikha para sa kanya—patungo sa kanya.

Sa Genesis, nagsalita ang Diyos, at nalikha ang mundo. Sa Ebanghelyo ngayon, nagsalita si Kristo, at tumahimik ang unos.

Napakarami na nating kayang gawin bilang tao. Pero ang tanong: marunong pa ba tayong makinig sa Salita? Sa Ebanghelyo, ginising ng mga alagad si Jesus. “Panginoon, gising! Mamamatay na kami!”

Pero ngayong Creation Sunday, baka puwedeng baligtarin ang tanong: Baka hindi ang Panginoon ang natutulog. Baka tayo ang kailangang magising.

Magising tayo sa climate crisis. Magising sa nangyayari sa ating mga bundok, ilog at dagat. Magising sa korapsyon at maling pulitika. Magising sa isang uri ng development na yumayaman ang iilan habang nalulunod naman ang marami. At higit sa lahat, magising tayo sa katotohanang kasama natin sa bangka si Kristo.

Kaya sa Creation Sunday na ito, gawin nating Arko ni Noe ang Simbahan—hindi bangkang nagliligtas lamang sa sarili, kundi bangkang nagdadala ng mga binhi ng bagong paglikha; kasama ang mahihirap, kasama ang mga nasalanta, kasama ang mga ilog at kagubatan, kasama ang mga hayop at halaman—kasama ang buong sangnilikha.

Higit sa lahat siguraduhin nating kasama natin ang Panginoong HesuKristo sa bangka. Siya ang ating pag-asa sa gitna ng unos. Kasama niya, tayong mga nakasakay sa bangka ng simbahan ay maaaring magsilbing binhi, maaari tayong maging simula ng isang bagong langit at lupa, simula ng isang bagong paglikha kay Kristong panganay ng buong sangnilikha.

The Courage To Be Disliked

 1,004 total reads

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Monday, Twenty-Third Week in Ordinary Time, Year II, 07 September 2026
1 Corinthians 5:1-8     <*((((><  +  ><))))*>     Luke 6:6-11
Photo by aboodi vesakaran on Pexels.com
Long before that became
a bestseller,
you, O Lord Jesus
and the Saints who followed you
like St. Paul not only preached
but lived out that courage
to be disliked;
teach me this Monday to muster
enough courage to be disliked,
to be free to choose you,
to be free to be faithful and true
to your teachings the world had
always rejected
or circumvented
which many of us are so afraid
to stand by because they are
not popular;
teach us, O Lord,
to stretch out our hands
according to your instructions
and will, not minding what others
may say about us;
let us have 
the courage to do what is good
than what is sinful,
the courage to be kind than unkind,
the courage to be Christian
than be unChristian
not like some Corinthians 
who refused to make a stand 
against a prevailing immorality
among them.

Your boasting is not appropriate. Do you not know that a little yeast leavens all the dough? Clear out the old yeast, so that you may become a fresh batch of dough inasmuch as you are unleavened… Therefore let us celebrate the feast, not with the old yeast, the yeast of malice and wickedness, but with the unleavened bread of sincerity and truth (1 Corinthians 5:6-8).

Photo by Nadin Sh on Pexels.com
Oh how I admire
and long to be like St. Paul,
Lord, filled with
courage and wisdom,
so free to be himself,
so free to be for you,
so free from pressures
of others;
throughout his life,
St. Paul had the courage
to be disliked even by
his fellow apostles
not just fellow Jews
because he was so convinced
of your love
and gospel,
Lord Jesus;
in this age of social media
where external pressures
like acceptance and popularity
are given more emphasis,
so many of us have become
so dependent on others' validations
of our actions and decisions
that leave us more lost,
alienated,
and so unfree
like that man with a
withered hand;
give me the humility,
Jesus to accept those
many parts in me
that are withered
and dry
that make me so afraid
to stand for you,
for what is true and good.
Amen.
Photo by Titouan Jullien on Pexels.com

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagod na pagod

 10,578 total reads

 10,578 total reads Mga Kapanalig, pagod na pagod na raw si Senador Juan Miguel Zubiri sa sobrang siksik na schedule niya tuwing pumapasok sa Mataas na

Read More »

Kahirapan sa bansa

 231,196 total reads

 231,196 total reads Mga Kapanalig, tinatayang anim na milyong Pilipino ang nakaahon na sa kahirapan.  Ayon iyan sa Philippine Statistics Authority (o PSA). Bumagsak sa 9.7%

Read More »

Inhustisya sa gitna ng krisis sa klima

 265,869 total reads

 265,869 total reads Mga Kapanalig, nakikiramay tayo sa mga taga-Nepal Matapos ang isang nakapanlulumong trahedyang nangyari doon. Noong nakaraang linggo, magkasunod na flash floods at mudslides

Read More »

Bayan, hindi bayad

 281,769 total reads

 281,769 total reads Mga Kapanalig, ngayon ay National Heroes Day o Araw ng mga Bayani.  Sa araw na ito, kasama sa mga bayaning ginugunita natin ay

Read More »

SOP

 317,519 total reads

 317,519 total reads Kapanalig, sa day-19 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa misused o maling paggamit sa 500-milyong pisong confidential fund ng Office

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Setyembre 9, 2026

 658 total reads

 658 total reads Miyerkules ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Corinto 7, 25-31 Salmo 44, 11-12. 14-15. 16-17 O kab’yak ng hari namin, ang

Read More »

Martes, Setyembre 8, 2026

 2,196 total reads

 2,196 total reads Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria Mikas 5, 1-4a o kaya Roma 8, 28-30 Salmo 12, 6ab. 6kd Ang lubos kong kasiyahan

Read More »

Lunes, Setyembre 7, 2026

 2,573 total reads

 2,573 total reads Lunes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Corinto 5, 1-8 Salmo 5, 5-6. 7. 12 Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y

Read More »

Linggo, Setyembre 6, 2026

 2,315 total reads

 2,315 total reads Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Ezekiel 33, 7-9 Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9 Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin. Roma 13,

Read More »

Sabado, Setyembre 5, 2026

 8,028 total reads

 8,028 total reads Sabado ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado 1 Corinto 4, 6b-15 Salmo 144,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top