646 total reads

Homiliya para sa Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon
Ika-25 ng Oktubre 2026
Ebanghelyo: Mateo 22:34–40
May ikukuwento muna ako sa inyo. Nangyari ito maraming taon na ang nakararaan, noong hindi pa ako obispo. Formator at professor pa ako noon sa aming seminaryo sa Pampanga.
Doon, mayroon kaming mag-asawang nagtatrabaho noon sa seminaryo. Ang mister ay kusinero at ang misis naman ay labandera. Rose ang pangalan ng misis.
Isang hapon, lumabas si Rose para maglaba sa tabi ng poso, sa ilalim ng isang malaking puno ng kaimito. Hindi niya alam na may ilang batang galing sa kalapit na squatters’ area na pumasok sa bakuran at umakyat sa puno para mamitas ng mga hinog na kaimito.
Nang marinig ng mga bata na may paparating, dali-dali silang nagsibabaan at nagtakbuhan. Maliban sa isa—iyong pinakamaliit sa kanila. Mukhang hindi pa siya sanay umakyat ng puno. Naiwan siya sa itaas, takot na takot na baka mahuli siya.
Walang kamalay-malay si Rose. Inihanda niya ang kanyang mga labahin sa tabi ng poso. Sa kasamaang palad, tuyong sanga pala ang kinakapitan ng batang nasa itaas. Biglang bumigay ito at nabali. Nahulog ang bata sa tabi mismo ng batyang pinaglalabahan ni Rose.
Laking gulat ni Rose! Napasigaw siya nang makita ang batang nangingisay sa lupa. Agad niya itong pinulot, kinalong, at patakbong dinala sa labas ng seminaryo. Nakalimutan na tuloy niyang magsuot ng tsinelas. Sumakay siya sa isang tricycle at nagpahatid sa pinakamalapit na ospital.
Pagdating sa emergency room, iyak siya nang iyak habang humihingi ng tulong sa mga doktor at nurse. Pero pinaupo muna siya ng isang nurse para kunin ang impormasyon tungkol sa bata.
“Mrs., ano po ang pangalan ng bata?”
“Hindi ko po alam.”
“Ilang taon na siya?”
“Hindi ko rin po alam.”
“Sino ang mga magulang niya?”
“Hindi ko rin po alam.”
Nagtaka ang nurse at nagtanong, “Eh, hindi niyo pala kaano-ano ang batang ito. Bakit kanina pa kayo iyak nang iyak diyan?”
Parang napahiya si Rose. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Huminga siya nang malalim at saka sumagot.
“Ma’am, pasensiya na po kayo. Hindi ko talaga kilala ang batang iyan. Nahulog lang siya mula sa puno ng kaimito sa tabi ng aming bahay. Siguro galing siya sa mga bahay sa kabila ng seminaryo.
“Pero alam ninyo, Ma’am, mayroon din akong anak na halos kasing-edad ng batang iyan. Nang makita ko siyang nahulog at nangingisay sa lupa, parang anak ko ang nakita ko sa kanya. Naisip ko, paano kung sa anak ko nangyari iyon? Paano kung walang pumulot sa kanya? Kaya hindi ko siya kayang pabayaan.”
Di ba ang ganda ng sinabi ni Rose? Ang nakita niya sa batang hindi niya kaano-ano ay hindi ibang bata, kundi ang sarili niyang anak. At iyon ang nagtulak sa kanya para kumilos, para iligtas ito.
Sa ating Ebanghelyo ngayon, isang tanong lamang ang itinanong kay Hesus: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Pero dalawa ang isinagot niya. Una: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip.” At pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
Ang sabi pa ni Hesus, ang pangalawa ay katulad ng una. Ibig sabihin, hindi mapaghihiwalay ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa.
Napakaganda ng ating salitang Filipino para sa neighbor o fellow human being: KAPWA.
May isang Pilipinong psychologist, si Virgilio Enriquez, na nagpalalim sa kahulugan ng salitang kapwa sa ating kulturang Pilipino. Ayon sa kanya, sa karaniwang pag-unawa sa kulturang Kanluranin, malinaw ang pagkakaiba ng ako at ng ibang tao. Ako ito, at sinumang taong labas sa akin ay iba sa akin.
Pero sa ating pagkaunawang Pilipino, ang kapwa ay hindi lamang ibang tao. Siya ay taong may pagkataong katulad ng sa akin. Magkaiba man kami, may iisang pagkatao kaming pinagsasaluhan.
Kaya kapag namulat ako sa katotohanang iyon, hindi ko na siya basta ituturing na ibang tao. Kapwa ko siya. At ang kanyang pagdurusa ay hindi ko na kayang balewalain, dahil may pagkataong nag-uugnay sa aming dalawa.
At alam ninyo, mas pinalalalim pa ng ating pananampalatayang Kristiyano ang kahulugan ng kapwa. Sapagkat ayon sa Bibliya, ang tao ay nilikha sa larawan at wangis ng Diyos. Ibig sabihin, ang kapwa ko ay hindi lamang kapwa-tao. Kapwa-larawan din siya ng Diyos.
Kaya pala napakahalaga sa ating kulturang Pilipino ang mga pagpapahalagang tulad ng pakikiramdam, malasakit, pakikiramay, pakikisangkot, at pakikiisa. Lahat ng ito ay nakaugat sa pagkilala natin sa ating kapwa.
At ang buod ng pagpapakatao para sa atin ay pakikipagkapwa-tao. Paano ko masasabing makatao ako kung hindi ako marunong makipagkapwa-tao?
Pero sa liwanag ng ating Ebanghelyo, may mas malalim pang tanong: Paano ko masasabing makadiyos ako kung hindi naman ako makatao?
Dito natin makikita kung bakit pinag-ugnay ni Hesus ang dalawang dakilang utos. Hindi maaaring paghiwalayin ang pagiging makadiyos at pagiging makatao.
Kung sinasabi kong mahal ko ang Diyos, pero malupit naman ako sa aking kapwa, baka hindi talaga ang tunay na Diyos ang sinasamba ko. Baka isang diyos-diyosan lamang na ako rin ang gumawa ayon sa sarili kong kagustuhan.
Sapagkat ang Diyos na ating sinasamba ay Diyos na maawain at mahabagin. Kaya kung hindi ko makita ang larawan ng Diyos sa aking kapwa, paano ko masasabing tunay kong kilala at minamahal ang Diyos?
Napakalinaw nito sa ating unang pagbasa mula sa aklat ng Exodo.
Ang bayang Israel ay tinawag ng Diyos upang maging isang banal na bayan. Pero paano nila maipapakita ang kanilang kabanalan? Hindi lamang sa pamamagitan ng pagsamba, pagdarasal, o paghahandog sa templo. Kundi sa pamamagitan ng kanilang pakikitungo sa mga taong mahihina at walang kalaban-laban—sa mga dayuhan, mga balo, mga ulila, at mga dukha.
Bakit ipinagbabawal ng Diyos na apihin ang mga dayuhan? Ang sabi niya: “Sapagkat kayo man ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto.”
Napakaganda ng pangangatwirang ito ng Diyos. Para bang sinasabi niya: “Alam ninyo kung gaano kasakit ang maapi. Naranasan ninyo iyan noong kayo ay mga dayuhan sa Ehipto. Kaya huwag ninyong gagawin sa iba ang ayaw ninyong gawin sa inyo.”
Hindi sinasabi ng Diyos: “Dahil inapi kayo noon, gantihan ninyo ang mga umaapi sa inyo ngayon.”
Hindi tayo tinuturuan ng Diyos na maghiganti. Tinuturuan niya tayong matuto mula sa ating sariling karanasan ng pagdurusa, upang maging mas maunawain at mahabagin sa pagdurusa ng iba.
At bakit? Dahil ang Diyos mismo ay maawain at mahabagin. Sabi niya sa unang pagbasa, kapag dumaing sa kanya ang taong inaapi, pakikinggan niya ang daing nito. “Sapagkat ako ay mahabagin.”
Mga kapatid, kung tayo ay nilikha sa larawan at wangis ng Diyos, wala tayong ibang dapat tularan kundi ang Diyos mismo. At ang tunay na palatandaan ng pagiging makadiyos ay ang pagiging maawain at mahabagin.
Balikan natin si Rose. Hindi niya inalam kung sino ang bata, kung saan ito nakatira, o kung bakit ito pumasok sa bakuran ng seminaryo. Ang nakita niya ay isang batang nangangailangan ng tulong. At sapat na iyon para kumilos siya.
Siguro iyan din ang nais ituro sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon.
Kapag tumingin tayo sa ating kapwa, lalo na sa mga mahihirap, mga dayuhan, mga bilanggo, mga inaapi, at mga taong madaling husgahan at itakwil ng lipunan, ano ang nakikita natin? Ibang tao ba? Taong walang kinalaman sa atin? O kapwa-tao na may dignidad na katulad ng sa atin?
Mga kapatid, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay kailangang magbunga ng malasakit sa kapwa. Kung wala ito, baka ang ating pagpapakabanal ay nauuwi lamang sa pagbabanal-banalan.
Sapagkat hindi tayo magiging tunay na makadiyos kung hindi tayo marunong maging makatao. At hindi tayo magiging tunay na makatao kung hindi tayo marunong makipagkapwa-tao.




