LINGGO, AGOSTO 13, 2023

SHARE THE TRUTH

 4,098 total views

Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

1 Hari 19, 9a. 11-13a
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.

Roma 9, 1-5
Mateo 14, 22-33

Nineteenth Sunday in Ordinary Time (A) (Green)

UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 9a. 11-13a

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, si Elias ay sumapit sa Horeb na bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano’y nagsalita sa kanya ang Panginoon: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito’y dumaan ang Panginoon at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin ang Panginoon. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat ang Panginoon. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.

Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng yungib.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.

Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.

Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 9, 1-5

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, saksi ko si Kristo na katotohanan ang sinasabi ko; hindi ako nagsisinungaling. Saksi ko rin ang Espiritu Santo na malinis ang aking budhi sa sasabihin kong ito sa inyo: matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso tungkol sa aking mga kalahi at mga kababayan, anupat mamatamisin kong ako’y sumpain at mawalay kay Kristo, alang-alang sa kanila. Sila’y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag na tanda na nagpapakilalang siya’y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako. Sila’y nagmula sa mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Kristo nang siya’y maging tao, Diyos na Kataas-taasan, na pinapupurihan magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Salmo 129, 5

Aleluya! Aleluya!
Poon, ikaw ang pag-asa,
ang Salita mo’y ligaya,
pag-asa ko sa tuwina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 14, 22-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, matapos pakainin ang mga tao, agad pinakasakay ni Hesus sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo samantalang pinauuwi niya ang mga tao. Pagkaalis ng mga ito, umahon siya sa burol upang manalangin. Nag-iisa siyang inabot doon ng gabi. Samantala, nasa laot na noon ang bangka at sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. At nang madaling araw na’y sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?” Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Sa mga bagyo at kahirapan ng ating buhay, panatag tayong dumulog sa Panginoon para sa ating kaligtasan. Buong pananalig tayong manalangin:

Panginoong Hesus, iligtas mo ang iyong bayan!

Nawa makatagpo ang Simbahang Katolika sa kanyang Panginoon ng lakas at kasiyahan para mapaglabanan ang mga bagyo ng pag-uusig, pang-iiwan, at pagtatakwil, manalangin tayo!

Nawa ang Santo Papa Francisco at ating mga obispo ay patuloy na biyayaan ng liwanag at lakas na kailangan nila sa pamumuno sa Simbahan sa mga panahong ito ng kalituhang moral at laganap na karahasan, manalangin tayo!

Nawa ang mga puwersang pangkapayapaan ng United Nations sa mga lugar ng kaguluhan ay magtagumpay laban sa karahasan at maipagtanggol ang mga sibilyan, manalangin tayo!

Nawa ang mga pamilyang di nagkakaunawaan ay magkasundo na rin at mamuhay sa pagtutulungan at pagmamahalan, manalangin tayo!

Nawa pagtuunan nating lahat ang kadakilaan at kabaitan ng Panginoon at hindi ang ating mga problema, manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, bukal ng lahat ng tapang at kaligtasan, tulungan mo kaming harapin ang mga hamon ng buhay nang buo ang loob at pananalig na ikaw’y kapanig namin hanggang sa mag- tamo kami ng kapayapaan kung saan ka nabubuhay at naghahari nang walang hanggan!

Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

International Wellness Day

 79,825 total views

 79,825 total views Mga Kapanalig, ngayong araw ay International Wellness Day. Sa dami ng krisis natin ngayon, kumusta na kaya tayo? Noong Marso, idineklara ng United

Read More »

Labanan ang climate disinformation

 102,984 total views

 102,984 total views Mga Kapanalig, patuloy ang pagkalat ng fake news!  Ayon sa report ng Asia Center, isang research institute na nagsusulong ng mga karapatang pantao,

Read More »

Sigaw ng mga magsasaka

 124,258 total views

 124,258 total views Mga Kapanalig, tatlong pandaigdigang mga institusyon ang nagbabalâ tungkol sa krisis sa pagkain dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Middle East. Nagpahayag ang

Read More »

Hindi sapat ang bayanihan

 288,554 total views

 288,554 total views Mga Kapanalig, nakasaad sa Galacia 6:2, “magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa.”  Sa kabila ng krisis na kinahaharap ng ating

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Abril 17, 2026

 3,559 total views

 3,559 total views Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 5, 34-42 Salmo 26, 1. 4. 13-14 Ang tanging aking mithii’y Panginoo’y makapiling.

Read More »

Huwebes, Abril 16, 2026

 4,654 total views

 4,654 total views Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 5, 27-33 Salmo 33, 2 at 9. 17-18. 19-20 Dukhang sa D’yos tumatawag

Read More »

Miyerkules, Abril 15, 2026

 4,654 total views

 4,654 total views Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 5, 17-26 Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9 Dukhang sa D’yos tumatawag ay

Read More »

Martes, Abril 14, 2026

 2,579 total views

 2,579 total views Martes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 4, 23-27 Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5 Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y

Read More »

Lunes, Abril 13, 2026

 1,910 total views

 1,910 total views Lunes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Martin I, papa at martir Mga Gawa 4, 23-31 Salmo 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top