155,108 total reads
Mga Kapanalig, kumakalat sa social media ang mga posts tungkol sa hoarding o labis-labis na pag-iimbak ng tubig. Paghahanda raw ito sa “super El Niño” na inaasahang magaganap sa mga susunod na linggo at magtatagal hanggang sa unang tatlong buwan ng 2027.
Ang El Niño ay isang natural na pangyayari sa ating planeta kung saan nag-iinit nang higit sa normal ang ibabaw ng tubig sa gitna at silangang bahagi ng Pacific Ocean. Sa lawak ng sakop ng pag-init na ito, malawakan din ang pagbabago sa panahon sa buong mundo. Sa Pilipinas, ilan sa mga karaniwang epekto ng El Niño ay ang mas kaunting ulan at mas mahabang tagtuyot.
Huling naganap ang El Niño sa Pilipinas noong 2023 hanggang 2024, pero magiging kakaiba raw ang El Niño ngayong taon. Maaari daw umakyat sa 2°C ang dagdag na init sa tubig sa Pacific Ocean na itinuturing na “very strong.” (Tandaan din natin, mga Kapanalig, na hindi opisyal na termino ang “super El Niño”. Hindi ito ginagamit ng World Meteorological Organization at PAG-ASA. Ang “super El Niño” ay ginagamit ng media at ilang siyentipiko para ilarawan ang matinding epekto nito.)
Dahil lubhang nababahala sa mga kumakalat sa social media at maging sa mga balita, may mga kababayan tayo, lalo na rito sa Metro Manila, na nagpa-panic at nag-iipon na ng tubig ngayon pa lang. Sa laki ng demand para sa mga lalagyan ng tubig, may mga nagrereklamo na sa mahal na presyo ng mga plastic drums, timba, at iba pang pwedeng pag-imbakan ng tubig. Hindi ito dapat nangyayari, ayon sa Malacañang at sa Department of Trade and Industry (o DTI). Tiniyak din ng National Water Resources Board (o NWRB) na punô ang mga dam at magiging sapat ang suplay ng tubig hanggang sa susunod na taon.
Naiintindihan natin ang pagiging alerto ng mga tao lalo na’t ilang beses na rin tayong nakaranas ng kakulangan sa tubig kahit walang El Niño. Pero ang pagpa-panic ay hindi nakatutulong sa puntong ito. Kung napakaraming magho-hoard ng tubig, magdudulot ito ng tinatawag na artificial shortage—bumababa ang suplay sa distribution system kahit sapat naman ang dam levels. Ang sobrang demand dahil sa panic-buying ay nagpapataas sa mga presyo, lalo na kapag sinasadya ng mga mapagsamantalang tindahan na itago ang mga imbakan ng tubig para manipulahin ang presyo kapag “kulang” na ang mga ito sa paningin ng publiko.
Kapag sabay-sabay din ang pagpupunô ng mga lalagyan ng tubig, nadadagdagan ang pressure sa distribution network o mga daluyan ng tubig, na maaari namang magdulot ng mahinang suplay ng tubig sa ibang lugar. Ang panic-buying ay nagdudulot din ng kalituhan, takot, at pangamba na wala sa lugar, ‘ika nga.
Walang masama sa paghahanda, pero dapat itong maging responsable. Paalala nga sa mga Kawikaan 21:5, “Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa’y walang kahihinatnan.” Sa paghahanda sa “very strong” El Niño, makatutulong kung ang iipunin natin ay ang tubig-ulan sa mga nalalabing araw ngayong panahon ng tag-ulan. Pwedeng gamitin ito sa paglilinis, pagdidilig ng mga halaman, at paglalaba. Malaking kabawasan ito sa tubig na kailangang kunin mula sa mga dam.
Handa rin dapat ang ating pamahalaan sa pagtulong sa ating maghanda sa mga magiging epekto ng El Niño. Unang-una sa mga matatamaan ay ang ating mga magsasaka, lalo na ang mga umaasa sa ulan para sa kanilang pananim.
Mga Kapanalig, sa halip na takot at pag-iisip lang sa sariling interes, sana ang pagtutulungan at pagsasaalang-alang sa kapakanan ng ating kapwa ang mas tumindi pa sa pagharap natin sa hamon ng “very strong” El Niño. Magtulungan tayo. Huwag mag-panic.
Sumainyo ang katotohanan.




